Hindi lang sampal kundi napakalakas na tadyak ang inabot ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa resulta ng Social Weather Station (SWS) survey, aba’y kung sinong napaka-henyo kung magbigay ng pulang marka sa 100 days gayong hindi pa nasubukang magsilbi sa bayan kahit baranggay captain. Kahit bulag, hindi magogoyo sa net satisfaction rating ni PNoy, malinaw ang SWS survey (Sept. 24-27) nagsasabing “pito sa bawat sampung Pilipino ang kuntento sa performance”. Mismong si senador Joker Arroyo — kilalang ka-diskusyon ni PNoy sa maraming isyu, mapa-session hall hanggang palasyo, ito’y paunang sumaludo. Bagama’t mas mataas ang 83% satisfaction rating ni PNoy bago ang oath-taking nakaraang June 30, isang napakagandang panimula ang 60% net satisfaction rating bilang Pangulo, aba’y 71% ang kuntento sa kanyang leadership. Malay ba natin kung ilan sa ‘midnight appointees’, katulad ng presidential advisers, presidential assistant at consultants na sinibak ni PNoy, ito’y naisama sa 11% diskuntento? Sa Metro Manila, isang malaking ‘very good’ ang net satisfaction rating ni PNoy, ito’y nakapagtala ng positibong 66% (77% satisfied, 10% dissatisfied), as in ‘wa epek’ o hindi gaanong naramdaman ang hostage drama sakabila ng sangkaterbang bunganga ang nagko-kondena at umaastang experts sa pag-iimbestiga. Sa Luzon area, nakapagtala ng 65% si PNoy (73% satisfied, 6% dissatisfied); 54% sa Visayas (68% satisfied, 14% dissatisfied) at 52% sa Mindanao (67% satisfied, 15% dissatisfied). Take note: wala pang ‘honeymoon’ ipinagkaloob ang mga kritiko, maging ilang media organization kaya’t kasinungalingan ang ‘pulang grado’. *** Napag-usapan ang SWS survey, nanatiling mataas ang marka ni PNoy sa socio-economic class, nangangahulugang naiintindihan at nararamdaman ng mga mahihirap ang pagbabagong ipinapatupad ng Malacañang, partikular ang ‘matuwid na daan’. Kaya’t napakalaking kalokohan ang ‘pulang gradong’ ibinigay ng mga estudyante kay PNoy kung sila mismo’y hindi pumapasok ng klase at puro ‘pag-iskul bukol’ ang inaatupag, kasama ang mga ‘pulahan’ sa Mendiola at Liwasang Bonifacio. Sa Class E, nakapagtala si PNoy ng 64% (73% satisfied, 9% dissatisfied) at 59% sa Class D (71% satisfied, 11% dissatisfied) habang 49% sa Class ABC (65% satisfied, 16% dissatisfied). Kahit pagbabaliktarin ng mga nagrereklamong sektor ang numero, sa pangunguna ng ilang Obispo na umaastang banal sa condom, ‘very good’ pa rin ang score ni PNoy. Ang malaking problema lamang ni PNoy, kahit anong milagro ang gawin para maituwid ang sanga-sangang daan, kilalang ‘sala sa init at sala sa lamig’ ang mga Pinoy, depende kung sino ang personalidad nagsasalita sa national television, aba’y subukan n’yong ibigay ang kaliwang kamay, siguradong pati magkabilang paa at buong katawan, hihingin ng mga kumag. Mantakin n’yo, sa halip ikatuwa ang 43 libong trabahong naiuwi ni PNoy mula Estados Unidos, mas pinag-usapan ng kaparian o simbahan ang condom gayong wala pa naman nailalatag sa session hall at hindi pa rin makapag-move on sa hostage-taking ang mga mokong gayong mismong China nagsasabing kuntento sa imbestigasyon, maliban kung sad yang ‘utak-talangka’ ang mga Pinoy. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment