Wednesday, October 6, 2010

‘Row four sa Grade 1’

‘Row four sa Grade 1’
Rey Marfil


Hindi mahalaga kung anong kulay ng ballpen ang ipangmamarka ng mga kritiko sa class card ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kundi kung anong aksyon at pagbabago ang ipinatupad ng bagong administrasyon sa unang 100-araw ng panunungkulan nito.
Gaano man kamahal ang ballpen ng mga anti-Aquino na nakikisabay sa pag-iingay ng mga nagmamagaling na sektor, mapa-lapis o pluma ang gamit nito, higit na mahalaga ang damdamin ng nakakaraming Pilipinong naniniwala sa liderato ni PNoy at nakaramdam ng pagbabago sa maikling panahon.
Hindi kailangan maging ‘prayer warriors’ ng isang religious group o ‘lay minister’ ng Simbahang Katoliko upang maintindihang merong separation of power ang simbahan at estado sa usapin ng condom at iba pang uri ng contraceptives na nasasakop ng Reproductive Health (RH) bill sa ilalim ng ‘couples choice policy’ ng gobyerno, maliban kung sadyang pakialamero ang mga obispo?
At kahit freshman student sa isang criminology school, mauunawang police matters ang madugong hostage taking sa Qurino -- ito’y kapalpakan ng Manila Police District (MPD) at hindi ‘leading man’ si PNoy para umaktong negotiator. Ang malaking problema lamang, likas sa kultura ng mga Pilipino ang manisi sa bawat kamalasang inaabot upang masabing mas magaling mag-isip ito.
Balikan ang lahat ng kaganapan sa 100-araw ng panu nungkulan ni PNoy, kahit singkong duling, wala ni isang balitang nagnakaw ang kasalukuyang administrasyon -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon, hindi ba’t ‘natusta’ sa multi-bilyong power deal. Take note: nakaka-4 days (January 24, 2010) pa lamang si Mrs. Arroyo ay pumutok si Million Dollar Man sa peryodiko.
***
Napag-usapan ang 100 days ni PNoy, naghirap ba ang gobyerno sa gitna ng mainitang diskusyon sa hostage taking? Anong nangyari sa pera ng Washington, hindi ba’t humina ang palitan sa merkado, pinaka-latest ang P43.00 kontra dolyares ng mga Kano -- ito’y napakalayo sa P46.80 sa nagdaang administrasyon.
Kung sablay ang 100-araw ni PNoy, hindi sana magpapa-photo op si State Secretary Hillary Clinton sa Waldorf Astoria Hotel (New York) habang hawak-hawak ang $434 bilyong US aid check. Hindi ba’t ilang taong ‘nag-water-water’ sa multi-bilyong US aid ang mga ex-Housemate sa Malacañang at pilit ini-spin ang senaryong sila ang nagpakahirap para malimusan ng Amerika?
At kung wala pa ring nagawa si PNoy, bakit pumalo sa $1 bilyon ang peso bond offer sa Philippine Stock Exchange (PSE), as in nakapagbenta ng P44 bilyon ang Pilipinas at gumaganda ang ekonomiya? Sa simpleng paliwanag: tinanggap ang Philippine peso bilang katiyakan sa pambayad-utang at kinikilala sa international market, hindi puro euro at dolyar.
Kung hindi pa kuntento ang mga kritiko, maraming pagbabagong ipinatupad si PNoy -- binuo ang Truth Commission (EO 1); nilusaw ang lahat ng midnight appointment (EO 2); ipinatigil ang multi-milyong perks sa government owned and controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs), sa bisa ng Executive Order No. 7.
Higit sa lahat, ideklarang bakante ang lahat ng puwestong inuokupahan ng mga co-terminus officials (MC 01 at MC 02) dahil sandamakmak ang undersecretaries (Usec’s), assistant secretaries (Assec’s), presidential assistant at kung sinu-anong ‘konsuhol-tant’ ang inabutan ni PNoy sa palasyo -- ito’y malaking katipiran sa gobyerno. Ang tanong: paano magiging pula ang marka ni PNoy, maliban kung ‘row four sa Grade 1’ at malapit sa basurahan ang magbibigay ng grado? Laging tandaan: ‘Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: