Friday, July 2, 2010

july 2 2010 abante tonite

Maraming napahiya kay P-Noy!
Rey Marfil


Napakasimple ang inau­gural speech ng “Simpleng Pangulo” suba­lit tumagos sa kaibuturan ng bawat Filipino ang mensaheng ipabawal ang ‘wang-wang, walang counter-flow at walang tong’. Sa mundong ginagalawan, dapat pantay-pantay ang bawat isa subalit suriin ang kapaligiran ngayon, hindi ba’t naghaharing-uri ang mga maimpluwensya at nakakarangya sa buhay?

Hindi kasalanan ang maging mayaman subalit kung sa simpleng bagay at polisiya ng gobyerno, hindi pa rin magawang pumantay ng mahirap, aba’y napapanahong sampolan ni Pangulong Benigno ‘P-Noy’ Aquino III ang mga naghahari-harian at ibalik ang nawalang kapangya­rihan at karapatan ng mga mahihirap na sa mahabang panahon, ito’y ipinagkait ng iilan sa pamahalaan.

Sa paningin ng mga kritiko at maagang naghuhusga sa kakayahan ni Aquino, maaaring isang ‘sound bite’ lamang ang pagbabawal sa ‘wang-wang’ at mas malalim pang pagtingin sa problema ng bansa ang gustong marinig sa inauguration rites sa Quirino Grandstand subalit hindi nakikitang sumasalamin sa pinakamalaking problema ng Pilipinas ang mga naghahari-harian, hindi lamang sa kalsada kundi sa kapangyarihan, maging sa pag-aari ng lupain.

Kung sa simpleng pagsunod sa batas trapiko, maangas at walang disip­lina ang mga Pinoy, ano pa kaya sa mga kontratang pinapasok sa gobyerno -- isang malinaw na pagtupad sa ‘panata’ ni Aquino sa naging campaign slogan na –“Kung walang corrupt, walang mahirap.” Hindi kailangan ng isang Ateneo professor upang maintindihan ang nangyari sa nagdaang administras­yon, hindi ba’t puro siga at kurakutan ang bisyo?
***
Napag-usapan ang inauguration rites, isang mala­king sampal sa mga ex-cabinet ni Mrs. Arroyo na nagmamarunong ang mga naunang alegasyong ‘arogante’ si Aquino, aba’y suriin ang live coverage sa lahat ng television, ipinakita ng “Simpleng Pangulo” kung gaano ka-gentleman sa misis ni Jose Pidal -- ito’y makailang-beses inalala­yan at inabutan ng kamay, hindi nga lang napansin ng kanyang professor.

Sa hindi nakakakilala ng personal kay Aquino, ito’y iisiping ‘bingati­bo’, alinsunod lamang sa mga naglalabasang media report, as in nakadepende sa anggulo ng mga balita ang mga kritiko at pinapasama ang imahe ng isang tao. Ibig sabihin, napakaaga para husgahan si Aquino ng mga nagmamagaling sa gobyerno. Bakit hindi bigyan ng tatlong taon bago singilin sa mga ipina­ngako, katulad sa naging deklarasyon nito.

Malinaw ang inaugural speech ni Aquino, hindi kakayanin ng isang ‘Noynoy’ ang ipinangakong reporma at pagbabago kung walang makaka­tulong. Kilala ang mga Pinoy sa sistemang ‘ba­yanihan’, katulad ng naka­gisnan sa mahabang pana­hon kaya’t kung mag-isang papasanin ni Aquino ang bahay para mailipat sa magandang puwesto, aba’y huwag umasa ng pagbabago ang 90 milyong Fili­pino kung sa kainan lamang dadalo ang mga ito. (www.mgakurimaw.blogspot.com)