Sa kauna-unahang pagdalo sa flag raising ceremony nu’ng nakaraang Lunes, mas nauna pang dumating sa Kalayaan grounds si Pangulong Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III, aba’y maraming empleyado ang ‘late’ at pinagsarhan ng gate ng Presidential Security Group (PSG).
Ang resulta: bungi-bungi ang designated lane sa bawat department kaya’t marami ang naglakihan ng mata sa estilo ng bagong Presidente.
Bago mag-alas 8:00 ng umaga, dumating si Aquino sa Kalayaan grounds, halos ilang minuto lamang ang pagitan sa pagdating ni Executive Secretary Jojo Ochoa.
Maging staff ni Radio Television Malacanang (RTVM) chief Lito Nadal, nakantiyawan ni Aquino bago binasa ang prepared speech dahil nagmukhang ‘props’ ang nakahambalang na teleprompter, as in hindi naihabol ang speech kaya’t nagmukhang kodigo ang hawak-hawak nitong papel.
Walang wangwang, walang blinker at hindi nag-counter flow sa kalye mula Times Street subalit mas maaga ng 20 minutes si Aquino sa flag raising ceremony, ganito rin ang nangyari sa ikalawang activities sa Villamor Airbase, ganap alas-10:00, halos 30 minutes napaaga ng dating ang Presidente.
Ibig sabihin, kung meron disiplina sa sarili ang bawat Filipino, ito’y makakarating ng on time sa isang event at hindi namumura ng palihim ng mga katabing driver sa kalye.
Maging Malacañang Press Corps (MPC), naninibago sa estilo ni Aquino, kung anong pag-iwas ni Mrs. Gloria Arroyo sa media interview simula nang tumugtog ang “Hello Garci tape”, kahit nakakasunog ng balat ang sikat ng araw, nagpapa-ambush interview si Aquino sa kalye -- isang sistemang bangungot sa seguridad subalit mahirap baguhin dahil sadyang ganito ang bagong Pangulo na kailangang tanggapin ng PSG.
***
Napag-usapan ang kasimplehan ni Aquino, sa 63rd anniversary ng Philippine Air Force (PAF) sa Villamor Airbase, kamuntikan pang naligo sa ulan si Aquino dahil biglaang bumuhos ang ulan sa kasagsagan ng ambush interview.
At habang naglalakad pagkatapos mag-speech, meron pang nagtangkang payungan si Aquino subalit tinanggihan nito.
Sa hindi nakakakilala ng personal kay Aquino, iisiping ‘gimik’ ang kasimplehang ipinapakita sa publiko at inakalang sa una lamang nagpapasiklab ang Pangulo.
Kung inaakalang magbabago ng estilo si Aquino, kahit pumuti ang uwak at mangitim ang tagak, hindi mangyayari ang inaasam ng mga kritiko.
‘Ika nga nina Usec. Zaldy dela Yola at Atty. Jun Delantar, “Magsawa kayo sa kahihintay, hindi magbabago ang boss ko.”
Kahit sa panahong nakaupong congressman hanggang makarating sa Upper House si Aquino, maging sa kampanya, walang nabago sa kanyang estilo -- ito’y pumipila sa ‘buffet table’, katulad ng ordinaryong bisita sa mga handaan at pagtitipon, kabaliktaran sa madalas gawin ng nakakaraming Filipino, mapa-pagkain o pakikipagtransaksyon sa gobyerno na palaging sarili ang inuuna at isinasalba.
***
Sa mga nagtatanong kung kailan mabubuo ang communication group ni Aquino, katulad ng Malacañang Press Corps (MPC) -- hindi man perpekto ang unang linggo ni Aquino sa pagbibigay ng mensahe sa publiko, asahang mababago ang maka-lumang sistema sa Office of the Press Secretary (OPS) at mas mabilis ang pagtugon sa bawat isyu.
Kaya’t “mag-pacencia biscuit” muna ang Malacañang reporters at laging tandaan ng publiko, maging kasamahan sa industriya, “Bata n’yo Ako at Ako ang Spy n’yo.”
mgakurimaw.blogspot.com).
No comments:
Post a Comment