Sa pagpa-review ng kaso ni Senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV, samu’t saring pagbatikos ang ipinupukol ng mga kampon ni Mrs. Gloria Arroyo kay Pangulong Benigno ‘P-Noy’ Aquino III, katulad ang alegasyong nakikialam sa hudikatura ang palasyo, maliban kung hindi naiintindihan ang pagiging ‘alter ego’ ng nakaupong kalihim ng Department of Justice (DOJ) kaya’t puwedeng utusan ito.
Kung susuriing mabuti ang bawat pronouncement o interview kay P-Noy tungkol sa kaso ni Trillanes -- ito’y consistent sa bawat ipinangako at hindi isang ‘takbuhing manok’ sa mga binitawang deklarasyon.
Hindi pa man nangarap maupong Pangulo, makailang-beses natanong si P-Noy ng Senate reporters noong 14th Congress kung ano ang posisyon sa kaso ni Trillanes at malinaw ang paninindigang ‘walang kudeta’ kung private instillation ang kinubkob.
Isa ang inyong lingkod sa madalas nakakausap ni P-Noy sa Upper House, hindi sa panahong tumatakbong Pangulo kundi bilang isang pangkaraniwang “Senator Aquino” na dinadaan-daanan lamang ng mga reporter at kasamahang senador pagsapit ng alas-3:00 ng hapon sa session hall, as in wala pang pumapansin dito.
Kahit negatibo o positibo ang headlines sa kaso ni Trillanes, pinaka-latest ang kahilingang teleconferencing kay Senate President Juan Ponce Enrile bago nag-adjourn ang Kongreso, kailanma’y hindi nagbago ng ‘stand’ si P-Noy.
Kahit sa panahong isa sa labing-isang (11) senatorial bets ng Genuine Opposition (GO) noong 2007 mid-term elections dahil ‘nag-inarte’ si Senator Francis Pangilinan na sumama sa grupo, malinaw ang posisyon ni P-Noy sa kasong kudeta ni Trillanes.
Hindi personal na magkakilala sina P-Noy at Trillanes noong 2007 elections -- ito’y nagkataong magka-ticket lamang sa ‘papel’ dahil nakabilanggo sa PNP Custodial Center si Trillanes na hindi kailanman nakatuntong ng campaign sorties.
***
Napag-usapan si Trillanes, hindi kailangan pang ipagtanong sa mga katropang ‘Garci Generals’ ni Mrs. Arroyo ang rason kung bakit patuloy nakapiit ang senador kahit binigyan ng mandatong maglingkod -- ito’y bahagi ng ‘political persecution’, malinaw ang pagkabilanggo ng pitong (7) taon at hindi pinapayagang magpiyansa o makadalo ng sesyon gayong nakalaya ang karamihan sa mga kasamahang nagmartsa patungong Manila Peninsula at Oakwood.
Alisin ang senaryong nakikialam si P-Noy, hindi pa ba sapat ang nakuhang 11 milyong boto ni Trillanes para patunayang abswelto sa nagawang kapusukan at pagkakamali nito?
Kung si Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan na makailang-ulit nasangkot sa kudeta at rebelyon, ito’y nakakapasok ngayon ng Senado at anong pagkakaiba ni Trillanes dito? Isang patunay na pinag-initan lamang ang batang senador ng administrasyong Arroyo dahil kalaban ito.
Sa kabuuan, dapat pang hangaan si P-Noy dahil hindi marunong magtanim ng galit at sama ng loob lalo pa’t ibang kandidato ang sinuportahan ni Trillanes ng nakaraang eleksyon.
Ibig sabihin, malaking palaisipan sa mga kurimaw kung bakit puro katropa ni Senador Manuel Villar Jr., na nag-aambisyong makabalik bilang Senate President, ang umaangal sa stand ni P-Noy gayong ‘all-out’ ang Magdalo Group sa presidential bid nito.
Hindi ba’t ‘Villar-Roxas’ ang bitbit ni Trillanes at namakyaw pa ng advertisement sa dyaryo? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment