Friday, July 9, 2010

Hulyo 09 2010 Abante Tonite

‘Di makapag-move on!
Rey Marfil


Hindi makatwirang bilangin ang pagka-late ni Pangulong Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III sa ilang aktibidades, aba’y ganito ang nararanasan ng publiko kahit pa nakasakay sa magarang sasakyan o kaya’y karag-karag na bus mula Letre patungong Edsa.

Hindi lang kalsadang lubak ang rason kung bakit traffic kundi panahon pa ni Kulafu ang mga tumatakbo.

Mantakin n’yo, pati bisikleta, nilalagyan ng makina, aba’y ano pang silbi ng pedal nito?


Kung ayaw rin lamang magpedal, sana tricycle ang binili, katulad din ng pangbungkal sa mga sakahan -- ito’y kinu-convert at ginagawang school bus kaya’t kapag bumibiyahe sa Luzon area, mabubuwisit sa naglipanang ‘kuliglig’.


Hindi nagbabawas ng sasakyan sa Pilipinas, hindi natatapalan ng tama ang butas at lubak sa lansa­ngan, hindi pa kabilang ang mga buraot na tsuper ng mga jeepney at bus kung kaya’t mas lalong nagkakandabuhul-buhol ang daloy ng trapiko kahit saang lupalop ng Pilipinas mag­tu­ngo.

Ibig sabihin: walang ibang pinag-uugatan ng mga simpleng problema, mapa-kalye hanggang air conditioned room kundi ang malawakang katiwalian sa gobyerno.


Kung walang corruption, magiging maayos ang kons­truksyon at rehabilitasyon ng mga kalsada at tulay sa bansa.

At kung walang traffic enforcer at pulis na nangongotong sa bawat kanto ng Metro Manila at hindi humihingi ng protection money o ‘lagay’, hindi gagawing terminal ang kalsada at matutong magbasa ng “No Loading and Unloading sign” kahit malabo at nagmumuta ang mga mata.
***


Walang bago sa pagkwestyon ni ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada sa integridad ni ex-chief Justice Hilario Davide Jr., bilang Truth Commission chief, malinaw ang sama ng loob at nararamdamang galit kung bakit nasibak sa poder noong January 20, 2001.

Halos sampung taon ang nakaraan, hindi pa rin makapag-move on si Erap gayong isa ang misyon ng oposisyon sa buhay -- ang alisin si Gloria sa Malacañang.


Hindi kailangan maging historian para maintindihan ni Erap kung bakit na-evict sa “Bahay ni Kuya”, susuriin ang nakatala sa kasaysayan, hindi si Davide ang dapat singilin sa legalidad ng panunungkulan ni Gloria kundi ang sariling running mate o partner noong 1998 pre­sidential election -- si Senador Edgardo ‘Edong’ Angara.

Kaya’t maling isisi kay Davide ang lahat, kahit itanong n’yo kay dzEC reporter Ludovico Somintac.


Sa legitimacy ng presidency ni Mrs. Arroyo, alinsunod sa desisyon ng Supreme Court (SC), hindi ba’t ‘diary’ ni Angara ang pinagbatayan ng mga mahistrado -- ito’y naglalaman ng mga maseselang detalye sa huling araw ng panunungkulan ni Erap kung saan inilarawang ‘resigned’.

Take note: si Angara ang ipinalit kay ex-Exe­cutive Secretary Ronaldo Zamora na nakasamaan ng loob ni Erap, ilang buwan bago sumakay ng pump boat sa Ilog Pasig mula Guest House.
***


Napag-usapan ang Malacañang, maraming mediamen ang nagulat sa ipinakitang ka-simplehan at transparency ni P-Noy sa kauna-unahang press conference nito.

Walang iniwasang tanong, hindi napipikon, at nakikipagbiruan sa presscon.

Higit sa lahat, nagsawa sa katatanong ang Malacañang Press Corp (MPC) -- ito ang pinakamahabang presscon ni P-Noy sa tanang-buhay nito, aba’y umabot ng isa at kalaha­ting oras.

Kung block timer sa radyo at telebisyon, nasi­ngil ng mil­yones sa air time si P-Noy. Sa tuwa ng mga reporter, me­ron pang nagkomentong “Tama ka Assec, mamahalin nga namin eto.” Kaya’t laging tandaan “Bata n’yo ako at Ako ang Spy nyo.”


(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: