Monday, July 12, 2010

Hulyo 12 2010 Abante Tonite

Credentials ang batayan!
Rey Marfil


Samu’t saring pang-iintriga ang ipinupukol sa bawat itinatalaga ni Pangulong Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III sa puwesto at madalas kinukuwestyon ang koneksyon.

Ang masakit, hindi nakikita ang credentials o kakayahang maglingkod sa gobyerno at walang ibang nasisilip kundi ang pagkakadikit ng pangalan sa isang tao.


Ilang halimbawa sina National Food Authority (NFA) administrator Lito Banayo at National Bureau of Investigation (NBI) director Magtanggol Gatdula -- ito ba’y wala ng karapatang mamuhay at magtrabaho sa gobyerno kesyo naging malapit kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson? Higit sa lahat, sino tayo para husgahan si Lacson lalo pa’t nagrereklamong ‘political persecution’ ang warrant of arrest dahil napakaraming expose laban kay Mrs. Gloria Arroyo.


Kung ganito ang panuntunan sa buhay ng mga kritiko, lalo pang lolobo ang unemployment rate, aba’y dadami ang tambay at mag-iinuman sa kanto.

Bakit sa panahon ni Mrs. Arroyo, nagkalat ang mga apelyidong Arroyo mula palasyo hanggang Kongreso, bakit tameme ang mga kritiko at walang aksyon, maliban kung nagpaparamdam lamang ngayon para ma-appoint.


Hindi lang ‘yan, meron pang nagrereklamong puro taga-Ateneo o kaya’y classmate ang itinatalaga ni P-Noy sa gobyerno.

Kundi ba naman tinamaan ng tatlong gunggong ang mga nag-iingay, alangang mag-appoint lamang nang kung sinong Pontio Pilato si P-Noy.

Kahit sinong nilalang sa mundong ibabaw, mapa-Presidente o baran­gay chairman, mas pagkakatiwalaan ang kakilala keysa bagong salta.
***


Napag-usapan ang presidential appointees, kung classmate man o barkada ang itinalaga ni P-Noy sa puwesto, ito’y karapatan ng Pangulo, katulad din ng ipinagkaloob kay Mrs. Arroyo kung saan nagpauso ng mga ‘retired general’ sa ambassadorial post upang isalba ang kanyang administrasyon.

Ang tanong: meron bang napala ang mga reklamador?
Kalokohan kung ipagkakatiwala ni P-Noy sa isang taong nakabanggaan lamang ng balikat sa hallway ng Rizal Room ang pagtitimon sa isang ahensya at departamento.

Ibig sabihin, dumaan sa pagbusisi ng Search Committee ang bawat gabinete at ilan dito’y nawalan ng pag-asang maitalaga dahil mabagal ang selection process.


Kaya’t hindi ikagugulat ng mga kurimaw kung isang araw, pati si Manuel -- isa sa janitor sa Senado, ito’y pag-initan ng mga kritiko at kuwestyunin ang pagtambay sa Premier Guest House, simula Lunes hanggang Sabado, aba’y isinama ni P-Noy sa palasyo, maging ilan pang Senate staff nito.


Bago pag-initan ang mga itinalaga ni P-Noy, bakit hindi tanungin ng mga kritiko kung anong nangyari sa mga tagapagsilbi sa palasyo na binitbit ng mga nagdaang Pa­ngulo, sa pangunguna ng mga tagahugas ng plato.

Li­ngid sa kaalaman ng publiko, ito’y hindi magawang sibakin ni P-Noy dahil maraming bibig ang magugutom kung mawawalan ng trabaho.


Kung bengatibo si P-Noy at hindi credentials ang binibigyan ng ‘weight’, hindi sana napuwesto sina retired Army Major General Trifonio Salazar bilang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) director at retired General Cesar Garcia Jr., bilang National Security Adviser (NSA) gayong nanilbihan sa nakaraang administrasyon. Kaya’t laging tandaan: “Bata n’yo Ko at Ako ang Spy n’yo.”


(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: