Monday, July 19, 2010

Hulyo 19 2010 Abante Tonite

Walang hilig sa pera!
Rey Marfil


Sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 1, may petsang July 14, 2010, malinaw ang pagkatao ni Pangulong Benigno Simeon ‘P-Noy’ Aquino III -- ito’y isang ‘simpleng tao’, walang hilig sa anumang luho at perang pag-aari ng gobyerno, aba’y pinakawalan ang multi-bil­yon pisong maaaring ‘paglaruan’ sa loob ng anim (6) na taon taliwas sa nakaugalian ng mga pinalitan sa puwesto.


Lingid sa kaalaman ng publiko, isang malaking pork barrel ni Mrs. Gloria Arroyo sa mahabang panahon ang Presidents Social Funds (PSF), ito’y ‘pinaglaruan’, simula taong 2002, katulad ang alegasyong ipinamumudmod sa mga local officials at congressmen tuwing masasangkot sa eskandalo, maliban kung nakalimutan ng publiko ang paper bag nina ex-Bulacan Gov. Jun-Jun Mendoza at ex-Pampanga Gov. Among Ed Panlilio na naglalaman ng tig-P500 libo.


Sa panahon ni President Corazon ‘Tita Cory’ Aquino, nasa pangangasiwa ng PMS ang Presidents Social Funds subalit binago ni Mrs. Arroyo at inilagay sa Office of the President (OP) upang direktang makontrol ang distribus­yon ng pondo.

Sa bisa ng MO No. 1 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa Jr., nasa pangangasiwa ngayon ni PMS Secretary Julia Abad, dating chief of staff ni P-Noy sa Upper House, ang buong pork barrel nito.


Lantad sa kaalaman ng mga mediamen, katulad ni Business Mirror reporter Butch Fernandez na beterano sa paghimay ng mga anggulo sa national budget kung saan nanggagaling ang pork barrel o social funds, ito’y mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang magandang ginawa lamang ni P-Noy, kaila­ngang dumaan sa final review ang lahat ng financial assistance at isusumite ang request sa Office of the President.
***


Napag-usapan ang pork barrel, maging sa panahon ni ex-President Joseph ‘Erap’ Estrada, nasa control ng PMS ang PSF subalit nagbago ang lahat noong Marso 15 2002, isang taon makaraang maupo si Mrs. Arroyo, gamit ang Memorandum Order No. 56.

Sa report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), nagkakahalaga ng P1.09 bilyon ang pork barrel na ipinalipat ng misis ni Jose Pidal sa Office of the President.


Ngayong naibalik sa PMS ang Presidents Social Funds, ito’y isang patunay kung gaano kaseryoso si P-Noy sa ipinangakong ‘matuwid na landas’ ng nakaraang eleksyon.

Kung nagkataong isa sa nakatunggali ni P-Noy ang nanalo, sa malamang ‘magbubuhay-hari’ sa nagmamantikang pork barrel, katulad ng mga naunang naupo sa palasyo lalo pa’t multi-bilyon ang ginastos nito.
Kung susuriin ang

sitwasyon, hindi kailangan pang ibalik ni P-Noy sa PMS ang pangangasiwa sa Presidents Social Funds lalo pa’t meron existing memorandum order na maaaring kasangkapanin at bigyang katwiran ang paghawak sa social funds.

Mabuti lang, naging ‘AQUINO’ ang surname ng Pangulo at isang “Mabuting Filipino” ang magulang na walang hilig sa pera ng gobyerno, aba’y mas piniling ipaubaya sa ibang tao ang pangangasiwa sa pork barrel upang hindi madumihan ang kamay nito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”

(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: