Friday, July 30, 2010

Hulyo 30 2010 Abante Tonite

Cheating arrangement?
Rey Marfil


Isang napakalaking ‘ampao’ ang counter-SONA ng mga kaporal ni Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo at ‘di hamak mas kapaki-pakinabang ang lahar sa Pampanga dahil ipinanghahalo sa semento, aba’y puro ilag ang ginawa sa expose ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III.

Kung walang iniwang kasalanan si Mrs. Arroyo, bakit nilaktawan ng mga inarkilang ‘defense minister’ ang maraming pahina sa speech ni PNoy.


Walang matinong sagot ang mga ‘taga-tahol’ ni Mrs. Arroyo sa Kongreso, maliban sa pang-iinsulto, malinaw ang katotohanang napuruhan kaya’t idinaan sa panga­ngantiyaw ang pagsagot sa mga eskandalong inilatag ni PNoy.

Kung sa suntukan ng mga siga at bakla, bakit nga naman makikipagsabayan ng upakan, hindi ba’t pinakaepektibo ang hanapin kung saan maaaring tumama kahit pakurut-kurot lang?


Ang isang malaking problema ni Mrs. Arroyo, kahit anong pagtatanggol ang gawin sa sarili, sampu ng mga nakinabang sa kanyang rehimen, napakataas ang trust rating ni PNoy at lalabas pa ring ‘naglulubid ng buhangin’ ng mga ‘ka-berks’ sa Batasan hills.

Ibig sabihin, kahit araw-araw pang tumayo sa session hall at mag-privilege speech, maakusahan pa rin ‘taga-pagsinungaling’ ang mga natitirang regiment.


Hindi natin babanggitin ang pangalan subalit deklaradong nagpasasa sa kapangyarihan ang mga nagtatanggol kay Mrs. Arroyo kaya’t malaking katarantaduhan kung paniniwalaan ng publiko kung kasing-baho sa kanilang pagkatao ang bawat katagang lumabas sa bunganga ng mga ito -- na kahit anong gawing toothbrush at pagmumog ng mouthwash, hindi matatanggal ang masangsang na amoy?
***


Napag-usapan si Mrs. Arroyo, mas pinagulo ng mi­sis ni Jose Pidal ang kanilang buhay sa pagiging deputado dahil kukuyugin ng media at hihingan ng komento sa bawat eskandalong ilalabas ng palasyo.

Kung mas pinili ni Mrs. Arroyo manirahan sa abroad o kaya’y magbantay ng mga apo, ‘di hamak mababawasan ang init ng ulo tuwing magkakape at magbabasa ng diyaryo dahil puro eskandalo at katiwalian sa kanyang administrasyon ang headlines dito.


Sa loob ng 3-taon, hindi puwedeng puro ilag ang gagawin ni Mrs. Arroyo at mas lalong hindi uubra sa media ang ‘no comment’ sa bawat eskandalo.

Sa maikling paliwanag, napakadaling ma-ambush interview sa hallway at session hall si Mrs. Arroyo lalo pa’t nabawasan ang sangkaterbang Presidential Security Group (PSG) na nagbabantay rito.

Take note: Sa dami ng eskandalong hihimayin ng Truth Commission, asahang uusok ang magkabilang tainga ni Mrs. Arroyo, ito’y napatunayan sa ilang press conference sa Palasyo kaya’t siguradong magsasawa sa banner si Bernard Taguinod.


At noong nakaraang SONA, pinag-uusapan ng mga mediamen na nag-cover sa Lower House ang directory ng mga kongresista, animo’y tinamaan ng konting hiya ang Arroyo family at napunta sa “letter M” si Mrs. Arroyo, gamit ang “Macapagal-Arroyo” habang si Galing Pinoy party-list Rep. Mikey Arroyo, nahiwalay rin, kasama ang iba pang sectoral group, gamit ang ‘Macapagal-Arroyo’.


Kung susundin ang alphabetical arrangement, dapat magkakasunod o iisang hanay sina Camarines Sur Cong. Diosdado ‘Dato’ Arroyo, Pampanga Cong. Gloria Arroyo (MB-II), Negros Cong. Ignacio ‘Iggy’ Arroyo (RVM 412), at Galing Pinoy Party-list Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo.

Kaya’t ang biruan ngayon, pati ba naman sa seating arrangement, nagkadayaan pa rin, eh hindi naman Congressman si Garci at lalong hindi House Speaker. Laging tandaan “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”


(mgakurimaw.blogspot.com)