Wednesday, December 30, 2009

december 30 2009 abante tonite

Senador nangopya ng opinyon,
nang-away pa ng reporter

(Rey Marfil)

Sa hangaring makapagpasiklab sa publiko, sa pamamagitan ng pag-astang ‘super-henyo’, lalo pang lumutang ang kawalan ng good manners and right conduct (GMRC) ng isang konyong miyembro ng Upper House matapos mang-away ng reporter gayong nangopya lamang ng ibang opinyon ito.

Sa kasagsagan ng diskusyon at debate tungkol sa legalidad ng pagdedeklara ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng martial law sa Maguindanao, nasaksihan ng TONITE Spy kung paano lumabas ang pagiging ‘utak-kamote’ ng isang konyong senador.

Ang rason, inaway ng konyong senador ang isang lady reporter matapos mapanood sa telebisyon ang kabuuan ng news report kung saan hindi naisama ang pangalan ng mambabatas sa mga binanggit nito.

Ang nakakasuka sa lahat, bago inaway ng konyong senador ang lady reporter, mas nauna pang tinawagan ng mambabatas ang mga bossing sa giant television at inirereklamo ang pagkakalatag ng istorya o nilalaman ng news report.

Ang reklamo ng konyong senador, ito’y hindi isinama sa news report ng lady reporter, as in gusto nitong maging bida sa balita kahit walang kakuwenta-kuwenta ang mga ideya at pinagsasabi sa floor.

Maliban sa walang kuwenta at puro kuwento lamang ang dinaldal ng konyong senador sa joint session na naganap sa Batasan Complex, meron pang naunang mambabatas, katulad ng mga kongresista ang nagbigay ng kaparehong pananaw, suhestyon at pangamba sa epekto ng martial law.

Dahil inulit lamang ng konyong senador ang mga opinyon at isyung tinalakay sa floor, as in kinopya o xerox copy ang lahat ng diskarte sa joint session, mas pinahalagahan ng lady reporter ang mga naunang kongresista at senador na nagsalita dahil mas kapaki-pakinabang ang mga ito.

Sa puntong ito, ikina-bad trip ng lady reporter ang pagsusumbong ng konyong senador sa kanyang bossing at ipinarating ang sama ng loob sa mambabatas dahil umaastang news editor at gustong ‘magbida-bidahan’ sa news repor gayong nangopya lamang ng opinyon ito.

Sa halip mag-sorry sa lady reporter, nagmatapang pa ang konyong senador at ipinagdidiinan na wala sa kanyang parte ang pagkakamali, as in ayaw amining meron ibang mambabatas ang nagbigay ng kaparehong opinyon o nangopya lamang ito.

Ang pinakamalungkot sa lahat, hindi man lamang ikinunsidera ng konyong senador na nakakatapak ng ibang tao o merong nasasagasaan na puwedeng mapagalitan ng mga amo dahil mas iniisip ang pansariling interes lalo pa’t maimpluwensiya ang katulad nito.

Clue: Saksakan ng kunat ang konyong senador, patunay ang nakahiligang pagregalo ng pipitsuging ham tuwing Pasko, pagpapakain ng popcorn sa birthday party. Kung reeleksyunista o mapapaso ang termino sa 2013, ito’y ipagtanong sa mga manggagapas ng mais. (mgakurimaw.blogspot.com)