Hindi nakakapagtaka kung bakit tumakbong congresswoman ng Pampanga si Mrs. Arroyo, aba’y mismong mga apo, iisa ang ‘Christmas wish’ sa nakaraang Pasko habang iniinterbyu sa Baguio City, sakay ng coaster -- ang manatili sa kapangyarihan habang buhay ang kanilang lola.
Sa murang kaisipan, hindi naiintindihan ng mga bata na hindi simpleng Christmas wish ang kahilingang magreyna ang kanilang lola habang buhay, as in for life sa Malacañang. At lalong hindi nalalamang sadsad ang trust rating ng kanilang lola at isinusuka ng sambayanan.
Kung hindi nga lamang limitado sa isang termino ang presidency, sa malamang sumawsaw si Mrs. Arroyo sa presidential derby, katulad ni ex-President Joseph “Erap” Estrada, as in Erapsky, aba’y hindi makuntentong nakapuwesto ang mga anak at ayaw pang ipaubaya sa mga bata ang Malacañang.
Hindi lang klaro kung anak ni Camarines Cong. Dato Arroyo ang unang nag-wish na manatili sa kapangyarihan si Mrs. Arroyo. Ang ikalawang bata, ito’y pasigaw na nagbigay ng Christmas wish na ‘forever’ maging Presidente si Lola Gloria -- iyong pinakamaliit sa tatlong sakay ng coaster.
Sa kabuuan, nakakatuwa ang “Christmas wish” ng mga apo ni Mrs. Arroyo, ito’y sumisimbulo kung bakit ipinagdiriwang ng bawat pamilya sa buong mundo ang Pasko at malinaw na pagmamahal ang iniukol ng Pangulo, maliban kung tinuruan ang mga apo para inisin ang publiko? Ika nga ng mga kurimaw ‘kung anong ginagawa ng matanda, ito’y nagiging tama sa paningin ng mga bata’.
***
Napag-usapan ang Malacañang, isang malaking religious group ang gustong buwagin ng isang pulitiko sa kanilang probinsiya, gamit ang isyung nagtataglay ng private armies. Lingid sa kaalaman ng publiko, pulitika ang pangunahing rason kung bakit nanggagalaiti sa galit at pinag-iinitan ni Mr. Politician ang religious leader -- ito’y sumusuporta sa ibang kandidato at mortal enemy sa pulitika ni Mr. Politician ang natanguan ngayong 2010 election.
Mantakin n’yo, walang kamalay-malay si religious leader, kamuntikang napasok ang kanyang ‘kingdom of heaven’ dahil lamang sa pinagtahi-tahing kuwento ni Mr. Politician at pinapalabas na nagmamatine ng private armies kahit simpleng ‘prayer warriors’ o followers ng sekta ang nagbabantay sa kanilang kaharian.
Kundi nagkakamali ang Spy, umabot hanggang lamesa ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno ang ‘special request’ ni Mr. Politician na ipa-raid ang ‘kingdom’ ni religious leader.
Take note: magkaibigan sina Puno at Mr. Politician, as in mahaba-haba ang pinagsamahan kaya’t ‘dinaga sa dibdib’ si religious leader lalo pa’t mortal enemy din ng ilang taga-Malacañang ang sinusuportahang kandidato sa kanilang lugar. Kahit itanong n’yo pa kay Assistant Secretary (Asec.) Raymund Brian Yamsuan?
Napigilan lamang ang raid sa ‘kingdom’ ni religious leader dahil nakialam ang Malacañang -- ito ang malaking pagkakamali ni Mr. Politician, aba’y kilalang malapit kay Mrs. Arroyo si religious leader kaya’t direktang pinagsabihang huwag pakikialaman ang kaharian ng kanyang kaibigan.
Kung hindi naging maagap si religious leader, napasok ng mga ahente ng militar at pulisya ang kanyang kaharian dahil lamang gustong makaganti ni Mr. Politician. Kaya’t huwag ipagtaka kung umuwing luhaan si Mr. Politician sa 2010 election dahil ‘pader’ sa kanilang probinsiya si religious leader at malawak ang impluwensiya hanggang sa ibang bansa.
Kung sino si Mr. Politician, ito’y meron eskandalong sinabitan habang si religious leader, isa sa tatlong ‘minamanuhan’ ng mga pulitiko kapag eleksyon lalo pa’t nakakausap si Lord. Anuman ang motibo sa naunsyaming raid, isa pa ring ‘Masayang New Year mga Dude’ ang bati ng inyong lingkod!
http://www.abante-tonite.com/issue/dec3109/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment