Ilang dekada ang nagdaan, iisa pa rin ang mukha ng halalan, patuloy ang pamamayagapag ng political dynasty sa bansa. Suriin ang listahan ng mga tumatakbo ngayong 2010 election -- iisa ang apelyido kundi naman, ‘kinakapital’ ang kasikatan ng ibang tao.
Isang halimbawa si Alex Lacson, daig pang kabute ang pagsulpot at isang kandidato sa pagka-senador ng Liberal Party, ewan lang kung ipinagpaalam kay Senator Ping Lacson ang pagtakbo lalo pa’t hindi ‘magkaanu-ano’, maliban sa magkapareho ng apelyido. Sabagay, kahit pagtabihin ng upuan ang dalawa, hindi kailangan pang ipagtanong kung bakit hindi magkamag-anak ang mga ito!
Hindi kuwestyon ang credentials ni Alex Lacson subalit sino nga ba ang nakakakilala bilang author ng patriotic books, hindi ba’t mga kauring civil society na umaastang righteous group gayong kapangyarihan din ang target kapag nakarating ng palasyo ang kanilang manok?
Sa Pilipinas, mas sikat pa ang gumagawa ng komiks keysa author ng libro. Kahit itanong n’yo kay Carlo J. Caparas na masterpiece ang massacre stories. Aminin o hindi ng Comelec, maraming botante ang engot at pag-thumb mark ang alam sa araw ng halalan, as in hindi nakakabasa ng diyaryo at ‘sound familiar’ ang batayan.
Ibig sabihin, mapagkakamalang pinsan o kapatid ni Senator Ping Lacson ang ‘Alex Lacson’ na tumatakbo sa tiket ng Liberal -- iyan ang rason kung bakit ayokong isiping sinasamantala at ginagamit ang kasikatan ni Super Cop!
***
Napag-usapan ang pangangapital sa apelyido, mas malala ang Nacionalista Party (NP) ni Manny Villar. Sa hangaring makabuo ng 12-man senatorial line-up, ‘pinakyaw’ ang anak ng mga ‘X-Men’ at kulang na lamang, pati apo sa tuhod ng mga ex-politician, ito’y kinuhang senatorial bet ni Villar, katulad ni Ramon “Monmon’ Mitra III -- ito’y anak ni ex-House Speaker Ramon Mitra Jr. kung pagka-Pangulo.
Maging si Susan Ople (anak ni ex-Senate President Blas Ople), aba’y nagpauto sa ilang katabi gayong mas mananalong congresswoman sa Bulacan, hindi bale si Ate Gwen, as in Atty. Gwendolyn Pimentel-Gana, maiintindihan kung bakit kinakapital ang apelyido ng ama -- si minority leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr., dahil hindi pinaupo ang kanilang bunso -- si Atty. Koko!
Ang pinaka-classic sa lahat, si Bongbong Marcos, animo’y wala pa ring kadala-dala sa pagkatalo noong 1995 at hindi nahiyang kinakapital ang apelyido ng amang diktador, maliban kung nabago ang kasabihang ‘hindi mamumunga ng santol ang manga’.
Hindi lang ‘yan, nahawa kay Mrs. Arroyo ang mga Marcos, aba’y gustong pairalin ang political dynasty sa Ilocos region. Si Imelda, hindi na nga napagod sa kabibili ng sapatos, ito’y tumatakbo pang pagka-congresswoman, maging si Imee sa pagka-gobernador at nilabanan ang sariling pinsan -- si Michael Marcos-Keon. Ang nakakatawa lang, nagsasama sa NP ticket sina Ate Gwen at Bongbong, animo’y kinalimutan ni Tatay Nene ang 20-taong batas-militar ni Macoy!
Maging sa Liberal Party, kinakapital ni Cong. Ruffy Biazon ang ama at nakipagpalitan pa ng tinakbuhang posisyon. Sa tingin n’yo, maglalakas-loob tumakbong senador kung barangay tanod si Senador Rodolfo Biazon?
Si Sonia Roco ang apelyido ng kanyang mister -- si ex-Senator Raul Roco ang kinakapital para manalo. Bagama’t guro, hindi man lamang naupong deputado sa Lower House o kaya’y barangay captain sa Bicol region, animo’y hindi pa rin ‘napaso’ sa pagkatalo noong 2007 election si Inang Guro, maliban kung si idol Senator Maria Ana Consuelo Madrigal-Valade, alyas Jamby, as in umaasang papasa at makakuha ng magandang grado sa ‘pag-take 2’.
Ang katotohanan: saku-sako ang pulseras na ipinanghagis ni Donya Consuelo at maraming na-contact sa phone kaya’t umubra ang pagiging ‘repeater’ noong 2004. Ang hamon ng mga kurimaw: bakit hindi tumakbo ang mga pulitiko, bitbit ang credentials bilang AKO, hindi dahil kaapelyido at kamag-anak si Pontio Pilato! (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1009/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment