Aminin o hindi, apektado ng ‘Krista Ranillo controversy’ ang popularidad ni Manny Pacquiao--ito’y malinaw sa nangyaring parada ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival ng nakaraang Disyembre 24, animo’y hanging dumaan lamang sa kanilang harapan ang float ng pelikulang “WapakMan” sa kahabaan ng Roxas Boulevard, kabaliktaran tuwing ipinaparada ni Pacman ang bagong belt na nasungkit sa Nevada.
Kahit anong hagis ng kendi at T-shirt, malamig ang trato sa cast gayong naggagandahan ang katabi sa itaas ng sasakyan ni Pacman--sina Rufa Mae Quinto at Bianca King. Anuman ang kuwento sa likod ng Krista Ranillo scandal, ito’y hayaang resolbahin ni Pacman subalit nakakapanghinayang kung mapalitan ng pagka-bad trip ang kasikatang tinatamasa ng People’s Champ!
Sa parada ng mga artista, pinaka-blockbuster ang float ni Senator Bong Revilla, halos hindi makausad ang sasakyan sa dami ng taong nakikisigaw ng “Panday”, maging si Flavio nagmukhang bida sa parada. Sa kuwento ng isa nating kaibigan, pati mga foreigner, nagpapa-picture at nakigulo sa float ni Senator Bong.
In fairness, maganda ang review ng Panday, maraming nagsasabing de-kalidad at makabago ang atake ng direktor, nangangahulugang umaasenso ang pelikulang Pinoy. Ang nakakatuwa, pinaghihiwalay lamang ng float ni Mang Dolphy sina Senator Bong at Ruffa Guttierez ng pelikulang “Shake Rattle and Roll XI”.
Ang biruan tuloy ng mga kurimaw habang dumadaan ang truck ng ‘Nobody but Juan’, hindi kaya sinadya ni “Congresswoman” Lani Mercado ang bumuntot sa parada dahil baka meron tumawid sa ibang float?
***
Napag-usapan ang float, dapat isinama sa parada si Bayani Fernando kahit isa nang ‘ex-men’ ng Metro Manila Development Authority (MMDA), malay n’yo makatulong ang mga sidewalk vendor, as in matauhan sa pagtakbong vice president kapag nasubukang mabato ng kamatis sa Baclaran area.
Mantakin n’yo, pagkatapos ipauso ang ‘pink fences’ sa Metro Manila, ginawa pang lamp shade ng ‘bayaning isinusuka ng mga vendor’ ang mga traffic enforcers, aba’y suriin ang mga sumbrero ng mga taga-MMDA, hindi ba’t bombilya na lang ang kulang? Mabuti sana kung umiilaw--ang problema, dumidilim ang paningin ng mga driver dahil wala sa ayos kung manita at maglista ng violations ang mga tauhan.
Kahit pa mag-barangay captain sa San Juan, Navotas at Makati, ‘magkakakuba-kuba’ lamang sa pangangampanya si Bayani, ito’y malabong lumusot. At kahit tumakbong senador, hindi pa rin mananalo kung pagbabatayan ang resulta ng mga survey, aba’y 0.3% hanggang 1% ang ratings, puwede pa sigurong pumalit sa trono ni Bayani Casimiro dahil mahusay sumayaw ng Pandanggo at na-perfect ang folk dance sa ‘GMA-7 Celebrity Duets’.
Hanggang ngayon, kakapiranggot ang nakukuhang percentage sa Pulse Asia at SWS, ito’y masuwerte kung makaka-dalawang (2) milyong boto sa 2010, maliban kung sobrang bilib sa sarili at kumita sa mga naglipanang pink fences ng MMDA at gusto lamang ibalik sa mga botante ang kanilang money?
Maging si Dick Gordon, hindi maintindihan ng mga kurimaw kung na-virus ang isipan, aba’y tumakbong Presidente kahit mas malabo pa sa used oil at grasa ang tsansang manalo, maliban kung naimpluwensiyahan ni BF lalo pa’t ‘MMDA color’ ang kulay ng “The Transformers” (blue at pink). Ang nakakatawa, maraming ibig pakahulugan ng katagang ‘transform’, ito’y nag-iiba ng hugis at nagbabagong-anyo, katulad ng mga aswang at sigbin, maging ‘machong papah’, ito’y nagta-transform ‘pag kagat ng dilim.
Kung target din lang pala nina Dick at BF ang boto ng mga balimbing at bading, sana sinamahan sa krusada ang Ladlad partylist! (mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec2909/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment