Likas sa mga Pinoy ang pasaway, aba’y kung kailan ibinigay ang hilig sa TV ads, walang gustong magpa-advertise, maliban kay Manny Villar na patuloy nagwawaldas ng pera. Balikan ang kaganapan bago sumapit ang November 30 deadline ng Comelec, mapa-presidentiables, vice presidentiables at senatoriables, pasiklaban sa pre-campaign ads at ngayong niluwagan ng Supreme Court, nagtipid ang lahat at mag-isang naiwan si Villar sa primetime.
Ang TV ad ni Dick Gordon, napagod sa katatayo, maging ang TV ad ni Noynoy Aquino, nawalan ng sindi ang sulo, animo’y namaos si Regine Velasquez, sampu ng talents ni Tito Boy. Hindi lang ‘yan, pati TV ad ni Gibo Teodoro, animo’y nabopols at nawala ang galing at talino. Sabagay, kung hindi maghihinay-hinay sa gastos ang mga tatakbo sa national level, maagang magkakaubusan ng pondo at baka pupugak-pugak ang kandidatura at hindi umabot sa May 10 election.
Ang nakakalungkot lamang, kinakapital ni Villar sa infomercials ang pagtulong sa mahihirap gayong mas maraming matutulungang mahihirap kung ipinambili ng pagkain, ipinatayo ng bahay, ipinantustos sa scholarship program at job creation ang bilyones sa TV ad.
Sa laki ng ginagastos ni Villar kada araw tuwing lumalabas sa television ang kanyang mukha, walang kasagutan kung paano babawiin ang ipinambayad sa TV ad kung luhaan sa presidential race at mas nakakatakot kung manalo, aba’y kalokohan kung hindi magbabawi sa ginastos. Take note: Pumapalo sa P250 libo kada 30 seconds ang rate card sa television at bilangin kung ilang spots lumalabas ang TV ad ni Villar sa dalawang giants network, bilyones ang winawaldas nito!
***
Napag-uusapan ang 2010, walang pinag-iba sa Arroyo clan ang mga Cayetano, aba’y parehong promotor ng poli tical dynasty at iisa ang diskarte. Kapag nagkataon, balik sa apat ang mga Arroyo sa Kongreso -- ang mag-inang Gloria (Pampanga) at Datu (Camarines), Iggy (Negros), at Marilou (party-list). Mabuti na lang, hindi dinagdagan ang congressional district ng Pampanga para ma-accommodate si Mikey na nagbi gay-daan sa kanyang ina.
Sa kaso ng mga Cayetano, balik sa tatlo ang mauupo sa 15th Congress kung mananalo ang nakababatang kapatid ng katukayo ni Joselito Cayetano -- si Ren-ren Cayetano. Ni sa panaginip, ayokong isipin ang senaryong gawing Cayetano ang apelyido ng mga tambay sa Taguig at Pateros at patakbuhing konsehal para okupado ng pamilya ang buong konseho. At katarantaduhan kundi pinupuntirya ng katukayo ni Joselito ang vice presidency o presidency sa 2016?
Mantakin niyo, hindi na nakuntento sa pagkakaroon ng dalawang senador, pati pagka-Congressman gustong i-monopolyo ng mga Cayetano -- ito’y napakalaking insulto sa mga constituents dahil wala na bang magaling sa Taguig at Pateros, maliban sa pangalang Cayetano?
Take note: Hindi pa nga nakakatatlong termino ang asawa ng katukayo ni Joselito -- si Congw. Lani Cayetano, ito’y tumakbong mayor ng Taguig at gusto pang ipalit sa mababakanteng congressional seat ang kanyang brother-in-law (Ren-ren). Mabuti na lang, pagdidirek ng pelikula ang hilig ni Lino Cayetano.
Kung nagkataong aral sa tatlong utol, sa malamang tumakbo ding Congressman o kaya’y alkalde ito. Ang tanging ipinagpapasalamat ng mga taga-Pateros, ka-tropa ng mga Cayetano ang mga nakaupong mayor at vice mayor.
Kung ganito ang patakaran ng mga Cayetano, posibleng mapuno ng mga Cayetano ang executive department kung mananalo si Villar bilang pangulo, aba’y halos ‘magpakamatay’ sa kade-depensa ang katukayo ni Joselito tuwing nasisiko ang kanyang amo, alangang hindi humirit ng mga sensitibong posisyon sa palasyo? Talagang, ‘Onli in da Pilipins’, saan ka nakakitang kapwa-senador ang spokesperson.
Hindi kailangan pang magpakalayu-layo, balikan ang C-5 road scandal, hindi ba’t daig pang legal counsel kung dumepensa ang katukayo ni Joselito para pagtakpan ang eskandalo ni Villar? Ano pang aasahan ng publiko kung mananalo si Villar sa 2010 election, maliban kung aral kina Atty. Jess Santos o Raul Gonzalez ang katukayo ni Joselito? (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment