Kung sa boksing, ‘suntok-hangin’ ang pinakawalan ni Cong. Danny Sua rez (Quezon), aba’y ang lakas maghamon sa ring, iyon pala’y walang ibubuga kay Vice President Noli De Castro. Pakatapos ismolin ang kakayanan ni Uncle Noli na maupong Pangulo kapag nag-resign si Mrs. Arroyo, biglang natiyope si Suarez, maliban kung napuruhan sa P1 milyong steak dinner?
Hindi lang iyan, nabisto pang meron P1 bilyong inuutang sa Development Bank of the Philippines (DBP) si Suarez. Ang eksaktong resbak ni VP: “Iyan ang nanlibre kay GMA sa US trip. Kaya tumitira iyan dahil meron P1 bilyon loan na hinihintay sa DBP para sa Quezon project. Sobrang sipsip kay GMA at takot mag-resign kasi maa apektuhan ang loan niya. Halos P1 milyon din ang ginastos niya sa steak dinner ni GMA.”
Sa sobrang pagkapikon, pati accomplishment ni Suarez ngayong 14th Congress, ito’y pinakakalkal ni Uncle Noli sa Batasan Complex. Ang sabi pa ni Uncle Noli: “Masyadong sipsip (Suarez) dahil sa malalaking project ang nahihingi niya kay GMA”. Ang resulta, nabistong wala ni isang batas sa kabuuang 43 proposed bills na inisponsoran ni Suarez ang nailusot sa Lower House gayong chairman ng House oversight committee.
Kundi hindi nagkakamali ang Spy, naging ma ingay ang pangalan ni Suarez sa text tax bill subalit hindi lumipad ang proposed bill dahil pinalagan ng telecommunications companies (Telcos) ang metering system. Kaya next time, pagkatandaan ni Suarez ang palaging paalala ng mga matatanda ‘magbiro ka na sa lasing, ‘wag lang sa bagong gising’.
***
Kahit ‘saling-pusa’ sa Day Care Center, kakabahan sa Martial Law na idineklara ni Mrs. Arroyo sa Maguindanao, aba’y balikan ang background ni Marcos, hindi ba’t ‘pinagpraktisan’ ang ilang magulong lalawigan bago ipinatupad ang batas-militar sa buong kapuluan kaya’t posibleng magising isang araw, nagkalat ang sundalo at checkpoint sa Maynila -- ito’y nababasa at nasusulat sa kasaysayan.
Ang nakakatawa lamang, gusto pang magsenador ni Bongbong Marcos gayong 20 taong pinahirapan ng kanilang pamilya ang mga Pilipino. Bago puntiryahin ni Bongbong na makatabi ng upuan si Boy Kornik, unang dapat gawin ng Marcoses -- isoli ang ill-gotten wealth, lalo pa’t hindi nakakain ang sapatos ng kanyang mommy. Kahit ‘bonggang-bongga’ ang campaign slogan ni Bongbong, dapat nakadilat ang publiko kapag nagsusulat sa balota!
Kapag pinag-uusapan ang martial law sa Maguindanao -- ito’y kasalanang lahat ng misis ni Jose Pidal. Ang report: Takot ang mga huwes maglabas ng warrant, hindi ba’t Presidente ang nagtatalaga ng judges sa buong kapuluan? Kung sa simula, naging transparent si Mrs. Arroyo at hindi idinaan sa ‘palakasan system’ ang pag-appoint ng mga hukom sa Maguindanao, hindi na kailangan pang suspindihin ang habeas corpus para papanagutin sa masa ker ang mga Ampatuan.
Ni sa panaginip, ayokong isiping merong ibang misyon ang Malacañang sa mansyon ng mga Ampatuan o cover-up ang raid na naganap, maliban kung natunugang ‘ikakanta’ sa dayaan? Take note: Maraming ballot boxes at election paraphernalia ang nakumpiska ng militar, ito’y kasama sa bultu-bultong armas na nahukay sa rancho ng mga Ampatuan, hindi kaya puno ng certificate of canvass?
Ang tanong ng mga kurimaw: Sino bang nagbeybi sa mga Ampatuan, hindi ba’t si Mrs. Arroyo? Ang pag-upo ni Zaldy Ampatuan bilang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) -- ito’y kagustuhan ng Malacañang kaya’t walang nakalaban, malinaw ang katotohanang ‘premyo’ dahil dalawang beses nakapag-deliver ng boto sa Maguindanao.
Kung sandamakmak ang armas ng mga Ampatuan, hindi ba’t mismong gobyerno ang nagbubulag-bulagan sa mga high-power firearms na dumadaan sa mga daungan? At ngayong napahiya sa buong mundo, isang martial law ang tugon ni Mrs. Arroyo para paamuin ng mga Ampatuan gayong ‘Made in Malacañang’ ang tumubong sungay!(mgakurimaw.blogspot.com)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec0809/opinions_spy.htm
No comments:
Post a Comment