Tuesday, December 22, 2009

december 22 2009 abante tonite

‘Di bawal ang pork!
Rey Marfil


Sa kabuuang P1.5 tril­yong 2010 national budget, pumalo ng P64 bilyon ang pork barrel allocation ng mga senador at kongresista. Sa halip mabawasan, nagkaroon ng ‘tongpats’, malinaw ang 100% na idi­nagdag sa pork barrel ng bawat isa. Mula P40 mil­yon, itinaas sa P70 milyon hanggang P200 milyon ang pork barrel ng isang congressman, hindi pa kasama ang sangkaterbang insertion.

Pinakamalupit ang mga senador, aba’y umabot sa P400 milyon gayong P200 milyon lamang ang original allocation. Mantakin niyo, kung anong iwas ng mga nagkaka-edad sa nagmamantikang pork, sa takot na tumaas ang cholesterol at mapaaga ang pakikipag-usap kay San Pedro, walang takot ang mga solon, as in hindi ka­yang mabuhay ng mga kongresista at senador kung walang ‘pork’.

Kada taon, animo’y ‘Christmas gift’ ni Mrs. Arroyo ang multi-milyong pork barrel sa mga kongresista at senador. Ang nakakalungkot lamang, ta­nging kaporal ni Mrs. Arroyo sa Kongreso ang masaya at naglalangis ang bunga­nga tuwing naghihiwalay ang taon at pasuwertehan pa kung makakatikim ng pork barrel ang mga taga-oposisyon.

Kundi nagkakamali ang Spy, kamuntikan pang pumalo sa tig-P200 milyon ang pork barrel ng mga kongresista habang tig-P600 milyon ang mga senador -- ito’y proposal sa panahong nagkaroon ng deadlock sa bicameral conference committee, maliban kung panakot lamang ng ‘kaibigang matalik’ ni Loren Legarda -- si Edong Angara, chairman ng finance committee para mapuwersa ang mga congressman bumalik sa negotiating table.
***
Napag-uusapan ang pork, kung hindi nagsosoli ng pork barrel si Senator Ping Lacson kada taon, hindi pa mabibisto ang ‘tongpats’ sa pork barrel ng bawat senador sa ilalim ng 2010 budget. Hindi li­ngid sa kaalaman ng publiko na kada taon, ipinapa­kaltas ni Lacson ang P200 mil­yong pork barrel allocation -- ito’y ipinababawas sa utang ng gobyerno. At dahil nga nauwi sa P400 milyon ang pork barrel ng mga senador, napuwersa si Lolo Edong na ikaltas ang P400 milyon ni Lacson.

Ang ipinagtataka ng mga kurimaw, dati-rati’y isa si Lacson sa miyembro ng bicameral conference committee pero binura sa listahan ngayong taon, ma­liban kung takot ang bes­pren ni Loren Sinta na madiskaril ang inihandang formula ng Palasyo?

Kung tutuusin, barya lamang ang P400 milyon pork barrel ng mga senador kumpara sa multimil­yong insertions bawat departamento -- ito ang ma­laking rason kung bakit nakisabay ang mga congressman sa pagsisingit ng pondo. Ang suma-tu­tal, pumalo sa P16.4 bil­yon ang pork barrel na ‘pinagpartehan’ ng mga senador, hindi pa kasali ang insertion.

Sa kasaysa­yan ng General Appropriation Act (GAA) -- ito ang ‘pinakamatabang badyet’ na i­naprubahan ng Kongreso, animo’y nakikipag-kumpetisyon kay Mrs. Arroyo. Sabagay, ‘di hamak na mas malaki ang nakukuha ng mga taga-Palasyo, mapa-intelligence fund o social fund ng Pa­ngulo. Ika nga, nga­yon ang panahon ng ‘pag-iipon’ lalo pa’t nabibilang ang araw ng administrasyon.

Sa dalawamput-tatlong miyembro ng Upper House nakiparte ng tig-P400 mil­yong pork barrel, pinaka­malupit ang isang kasamahang senador, aba’y pinakamasuwerte sa lahat ng nilalang at nasalo ang lahat ng buwenas nga­yong Pasko. Mantakin niyo, umabot sa P2 bilyong pork barrel ang ‘na-Pamaskuhan’, sa ilalim ng 2010 national budget.

Sa simpleng explanation, napakagara ng nakuhang perks ng isang senador at nagkalat ang insertion sa iba’t ibang departamento. Kung sino ang senador -- ito’y ipagtanong sa miyembro ng bica­meral conference committee. Walang masama sa pork, kung maayos ang pinagagamitan. Ang masakit lamang, ito’y ginagawang gatasan. Subukan niyong tanggalin ang pork barrel, ewan lang kung me­ron pang tumakbong senador at congressman sa 2010 elections? (mgakurimaw.blogspot.com)


http://www.abante-tonite.com/issue/dec2209/opinions_spy.htm