Kung anong paglalamyerda at pagwawaldas sa government funds ng misis ni Jose Pidal, mapa-Pampanga o abroad, kabaliktaran sa inaasal ng isang Undersecretary (Usec) sa presidential palace, aba’y pinapahirapan ang lahat ng staff at pinagtatrabaho ng magdamagan.
Kahit ‘hopiang may amag sa tabi’, hindi mapakain ang mga staff gayong kanda-kuba sa overtime at pagtatrabaho tuwing maglalakwatsa si Mrs. Arroyo. Kung meron dapat imbestigahan ang Department of Labor and Employment (DOLE), walang iba kundi si Usec B, as in Boy Kunat. Kahit itanong n’yo pa kay birthday boy at chairman Lito Dela Cruz, dean ng Wesleyan College of Manila (WCM), Office of the Student Affairs.
Ang malupit sa lahat, dumadagundong ang opisina ni Usec Boy Kunat kapag nagagalit kahit wala naman dapat ipag-init ng ulo. Ang resulta: Nagkakandarapa at napapraning ang mga staff kung anong gagawin -- ito’y napakalayo sa pag-uugali ng mga dating naupo at huling pinalitan ng kumag.
Hindi lang iyan, pinapakialaman ni Boy Kunat ang lahat ng bagay kahit labas sa kanyang trabaho. Ang nakakalungkot, nagkawatak-watak ang mga tauhan ng isang namayapang Undersecretary na kanyang pinalitan dahil nagpasok ng napakaraming ‘tuta’ si Boy Kunat, animo’y nagtatayo ng sariling emperyo sa palasyo, maliban kung tinitipid ang opisina para makapag-hair transplant lalo pa’t Bokal!
Bagama’t ordinaryong tanawin ang pagbitbit ng sariling ‘crew’ ng sinumang appointee ni Mrs. Arroyo, nakakalungkot isiping nauubos ang oras ng mga beteranong empleyado sa pagtu-tutor, aba’y kung saan-saang bangketa lamang pinagdadampot ni Boy Kunat ang mga staff kaya’t kailangan pang turuan mag-trabaho.
Sa unang tingin, nagkaroon ng ‘learning and tutorial school’ sa palasyo. Mabuti sana kung nagbabayad ng tuition fee o kaya’y service fee sa mga tutor. Ang problema, kahit balat ng mani, hindi magawang manglibre sa sobrang belekoy ni Usec B, maliban kung idol si Boy Kornik ng Upper House?
***
Napag-usapan ang kabulastugan ni Usec Boy Kunat, animo’y ka-tandem ang isa pang sipsip kay Mrs. Arroyo -- ito’y itago natin sa pangalang ‘Aling Pilik-Mata’, aba’y wala nang tatalo kung kawalanghiyaan ang pag-uusapan, as in manhid ang tainga ng mga taga-Malacañang sa pananakot ng kumag, katulad ang pagmamalaking kamag-anak ang isang abogadang malapit kay Mrs. Arroyo at ‘super-close’ sa Mahal na Pangulong ito.
Ang madalas panakot ni ‘Aling Pilik-Mata’, ipasisibak sa isang Atty. De Leon ang mga kasamahang nakakaaway at ‘ma-piranha’ kung makasipsip para maisingit sa foreign trip gayong ‘consu-holtant’ lamang ang posisyon.
Ang nakakatawang nasaksihan ng Spy, ngayon lang napasama sa foreign trip ng mother ni ‘Lion King’, animo’y nakapag-around the world kung umasta si Pilik-Mata, maliban kung naalog ang ulo sa eroplano kaya’t nag-iba ang timplada?
Ang labis pang nakakadismaya, palaging special treatment ang tratong hinihingi ni Pilik-Mata gayong utusan ang posisyon at napakahilig pang pag-awayin ang mga ka-opisina kaya’t nagkakaaberya.
Malinaw ang katotohanang, maling propesyon ang pinasukan ni Pilik-Mata, ito’y dapat ‘preacher’ dahil napakahusay gumawa ng kuwento, katulad ng mga ‘bulaang propeta’ na nagpapakilalang nakausap ang Lumikha gayong pang-estafa ang misyon sa lupa!
Ang malupit sa lahat, laging ‘COD’, as in cause of delay sa foreign trip si Pilik-Mata. Ang tingin sa kanyang sarili, ito’y napakataas ang posisyon at kasing-liit ng hanip ang mga ka-opisina gayong yaya at mutsatsa ang role sa out of town.
Walang ibang kawawa kundi ang mga ordinaryong government workers na walang koneksyon at hindi malapit kay Mrs. Arroyo. Mantakin n’yo, lahat ng empleyado sa departamento, ito’y nakaaway ni Pilik-Mata kaya’t hindi nakakagulat kung isang araw, malagay sa balag ng alanganin ang kanyang buhay, kahit isang tauhan, walang bumuhat para dalhin ito sa klinika.
Napakadaling makilala si Pilik-Mata dahil ito ang namumukod tanging nilalang sa Pilipinas na naglalagay ng isang kilong pilik-mata! (mgakurimaw.blogspot.com)
1 comment:
any comment....hula
Post a Comment