Tuesday, July 21, 2009

july 21 2009 abante tonite

Independent water producers?
Rey Marfil


Kung hindi magbabago ng diskarte ang isang pre­sidentiable, ito’y magigising isang araw, wala nang natitira pang senatoriables. Hindi natin babanggitin kung sinong Congressman ang nagbabalak lumipat ng bakuran. Ang malinaw, bad trip si Congressman sa sistema ng presidentiable, aba’y puro pansariling interes ang inaatupag at ini-etsapuwera ang mga ka-tropa kaya’t nagdududa ang mga kapartido kung seryoso sa pagtakbong Pangulo ito. De­sididong tumakbong senador si Congressman at wala ng atrasan ang kanyang plano. Ang problema, walang malinaw na direksyon kung anong landas ang tatahakin ng kanilang partido sa 2010 kaya’t kinakabahan dahil baka maiwan sa kangku­ngan ito.


Ang reklamo ni Congressman, puro survey ang iniisip ng presidentiable at pagpapataas sa popularity rating gayong dapat unahin ang pagpapalakas ng orga­nisasyon, katulad sa grassroots. Kaya’t hindi ikagugulat ng mga kurimaw kung lumipat si Congressman lalo pa’t katabing bayan lamang ang isa sa tinaguriang ‘Asyong Aksaya’ sa hanay ng mga presidentiable. Take note: ‘namamakyaw’ ng se­natoriables si Asyong Aksaya at kilalang ‘political butterfly’ ang pamilya ni Congressman. Ibig sabihin, aanhin mo ang bahay na bato kung makunat pa sa belekoy ang nakatira dito? Hindi naman puwedeng laway ang ipambayad sa magbabantay ng boto?
***
Sa ilalim ng Build-Ope­rate-Transfer Law, lahat ng government priorities, kailangang dumaan sa public bidding o bukas sa publiko para maiwasan ang ‘aregluhan’ at hokus-pokus sa pagsubasta ng kontrata -- ito ang eskandalong kinasasangkutan ni MWSS Administrator Diosdado Jose Allado, aba’y idinaan sa joint venture ang Laiban Dam water project, sa pagitan ng San Miguel Bulk Water Corporation. Hindi barya ang pinag-uusapan sa water supply deal, ito’y nagkakahalaga ng $2 bilyon, as in P100 bilyon -- ito’y mas malaki sa NBN-ZTE scandal na naimbestigahan ng Senate Blue Ribbon committee. Kundi nagkakamali ang Spy, malapit kay First Gentleman Mike Arroyo si Allado, ito’y dating General Counsel of PAGCOR. At usap-usapan pang isa sa kapatid ni Eugenio ‘Udong’ Mahusay Jr., nag-expose sa Jose Pidal scandal, ito’y nasa MWSS Board!


Mismong si NEDA director Ralph Recto, pumalag sa mala-midnight deal ni Allado, malinaw ang liham noong Hunyo 26 at sinasabing ‘hindi katanggap-tanggap ang government gua­rantee’ -- malinaw ang conflict of interest lalo pa’t na­ngangailangan ng regulatory authority dahil naisapri­bado ang MWSS. Kaya’t hindi masisisi ang publiko kung nagpa-flashback ang pag-golf nina ex-Comelec chairman Benjamin Abalos at Papa Romy, as in SSS President Romulo Neri habang pinag-uusapan ang ‘Sec, may 200 ka dito’. Bago si Recto, kinontra ni Papa Romy ang joint venture su­balit nakakapagtakang pursigido si Allado na maitulak ang proyekto, maliban kung meron basbas ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang water supply deal lalo pa’t nakaupong chairman ng NEDA Board ito?


Hindi lang iyan, apat (4) na libong pamilya ang mawawalan ng tirahan at mala-independent water producers (IWP’s) ang ‘formula’ na nakikita ni Senate minority leader Nene Pimen­tel, animo’y kinopya ang independent power producers (IPP’s) scheme ni ex-President Fidel Ramos. Sa ilalim ng government guarantee, awtomatikong kakargahin ng publiko ang pagbabayad kahit walang tulo ang gripo, kahalintulad sa power contract na pinasok ni Tabako sa kasagsagan ng power crisis noong 1992. Ang masakit, taong 2016 ang ope­rasyon ng Laiban Dam pro­ject at walang katiyakang makakapag-deliver ng 1,900 milyong cubic meter kada araw. Ang masakit sa lahat, P15.5 bilyon kada taon ang babayaran ng gobyerno sa San Miguel Bulk Water Corporation, malinaw ang P400 bilyong kikitain sa loob ng 25-taon at puwedeng ariin panghabambuhay ang Laiban Dam project dahil renewable ang kontrata. Talagang onli in da Pilipins! (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: