Maraming nagtaasan ng kilay subalit hindi nakakagulat ang ‘pag-all out’ ni Senador Richard ‘Dick’ Gordon kay DILG Sec. Ronnie Puno bilang vice presidentiable. Tandaan: parehong Atenista ang dalawa (2), kalokohan kung pagsisipsip lamang ang puntirya ni Wow Dick lalo pa’t walang mapapala.
Ang tanong lamang, makukuha ba ni Gordon ang bendis-yon ng MalacaƱang bilang standard bearer kung nakaharang ang dalawang (2) ‘Junior’ ni Mrs. Arroyo sa gabinete -- sina Vice President Noli De Castro Jr., at DND Secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr. Hindi bale si Puno, ito’y nakakasiguro ng suporta ni Mrs. Arroyo lalo pa’t utang na loob ang pagkakaupo sa trono.
‘Ika nga ng mga kurimaw, ‘up-close and personal’ ang pagkakilala ni Wow Dick kay Puno, kalokohan kung itataya ni Gordon ang kanyang pangalan at dangal kung peke ang papuri sa boss ni DILG Assistant Secretary (Asec) Brian Raymund Yamsuan.
Sabagay, puwedeng mangyari ang ‘Gordon-Puno’ tandem sa 2010. Ang kailangan lamang gawin ni Gordon, ito’y ‘magpasakop’ sa tropang BAKLA, as in Bagong Kampi at Lakas, para magkatotoo ang kanyang panaginip kung hindi puro pag-aaksaya lamang ng laway ang mga pronouncement.
In fairness kay Puno, ito’y tatlong (3) beses nang nagpanalo ng Presidente -- sina Tabako, Erap at Gloria, kaya’t hindi kuwestiyon kung puntiryahin ni Gordon maging running mate ito.
***
Sa programang Kartada Escalera ng ‘Escalera Boys’ sa dzXL radio ng nakaraang Sabado, halos umusok ang tenga ni Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap sa isyung overpriced ang Vietnam rice na inangkat nito. Mantakin n’yo, kahit nasa Tagum City, hindi maitago ni Yap ang pagka-bad trip sa Reuters na naglabas ng balitang overpriced ang Vietnam rice.
Sa naging paliwanag ni Yap, pumasok sa kasunduan noong Disyembre 2008 ang Pilipinas at Vietnam, sa pamamagitan ng inter-agency body o Cabinet Rice Procurement Committee (CRPC). Ibig sabihin, kinausap ng Pilipinas ang gobyerno ng Vietnam sa pagsu-supply ng bigas dahil lean months o mahina ang ani, simula Hulyo hanggang Setyembre -- sa panahong ito nauuwi sa ‘tingi-an’ ang presyo.
Sa tindi ng pagkapikon ni Yap, inihalintulad sa isang supot na paputok ang expose ng Reuters, partikular ang alegasyong overpriced ang pagbili sa presyong $380 kada metriko tonelada (MT). Ang resbak ni Yap sa Reuters, hindi naintindihan ng dayuhang media organization ang freight on board (FOB) price noong panahon na iyon. Ibig sabihin, hindi umano isinama ang transport cost at iba pang standard expenses para ihatid ang produkto mula sa Hanoi patungong Maynila -- ito’y ‘naglalaro’ sa pres-yong $456 hanggang $459, alinsunod sa official list ng Board of Trade ng Thailand na kinikilalang internatio-nal benchmark sa presyuhan ng bigas.
Ang deklarasyon ni Yap, walang 40% overprice sa Vietnam rice, katulad ng ibinibintang ng mga kritikong sumakay sa isyu dahil walang bigas na nagkakahalaga ng $380 kada tonelada noong Disyembre 2008. Kundi nagkakamali ang Spy, sinulatan ni Yap ang ma-nagement ng Reuters at inireklamo ang pagiging bias sa reporting, maging si Pablito Villegas -- ang analyst na tinutukoy ng Reuters, ito’y nag-email sa Food and Agriculture Organization (FAO) at itinanggi ang Reuters report at meron pang hiwalay na sulat kay Yap upang mag-sorry ito.
Ngayong umeksena ang Upper House, pinaka-latest ang rice probe na ikinakasa ng dalawang (2) presidentiables -- sina Loren Legarda at Mar Roxas, hindi masisisi si Yap kung mag-request na isama sa guest list o isalang sa hot seat ang pamunuan ng Reuters. Paano nga naman kung lumabas sa public hearing na baseless ang overpricing sa Vietnam rice, saan aber hahagilapin ang Reuters lalo pa’t correspondents lamang ang nakabase sa Pilipinas.
Ang ipinagtataka ng mga kurimaw, hindi ba’t kasali ang Private Sector Procurement Transparency Group (PSPTG) sa negosasyon kapag nag-aangkat ng bigas -- ito’y pinamumunuan ng kinatawan ng Bishops-Businessmen’s Conference (BBC)? Kung nagkaroon ng overpricing, katulad ng expose ng Reuters, walang ibang dapat sisihin kundi ang mga ‘fathers’ ni Santino, sampu ng obispo! (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment