Kung anong gastos maglabas ng infomercial kada minuto sa mga primetime slot sa radyo at telebisyon, patunay ang multi-milyong pisong ipinondo sa propaganda para maiangat ang popularidad, siyang kunat ng presidentiable sa paghahanap ng regalo.
Kamuntikang malaglag sa kinauupuan ang mga kurimaw sa pangunguna ng TONITE Spy matapos madiskubreng mas mahal pa ang ipinambalot o pinang-gift wrap sa regalo ng mga staff ng presidentiable keysa sa laman nito.
Bagama’t kaliwa’t kanan kung gumastos sa TV ads, biglaang nagtipid ang presidentiable, animo’y kinakapos sa pondo lalo pa’t sangkaterba ang salaping winawaldas ngunit wala namang epekto sa popularity rating ang infomercial.
Ang rason, mukhang mantel na ipinangsasapin sa lamesa ang ibinalot ng presidentiable bilang regalo sa birthday celebrant taliwas sa nakaugaliang P500.00 gift certificate sa isang kilalang coffee shop.
Bagama’t lehitimong balabal o shawl ang regalo ng presidentiable, walang naka-appreciate dahil mas maayos pang tingnan ang ‘good morning towel’ na paboritong ipangpunas ng mga driver kapag pinagpapawisan.
Kapag sinuri ang regalo ng presidentiable, dalawang bagay lamang ang papasok sa isipan ng birthday celebrant, ito’y mantel o kaya’y tinabas sa kurtina, animo’y retaso ng mga sastre sa kanto ng Arciaga, Quiapo, Maynila.
Ang matinding revelation sa lahat, mas makapal pa ang ribbon o laso na nakapalamuti sa regalo ng presidentiable at kapag tinimbang, mas mabigat kumpara sa mala-retaso ng kurtina na nakapaloob sa kahon, as in pinalaki at pinagmukhang magara ang box sa pagkaka-gift wrap.
Isa pang ikinasusuka ng mga kurimaw, nakabalandra ang pagkalaking pangalan ng presidentiable sa box, nakapaloob dito ang campaign slogan, maging logo ng partidong kinakatawan.
Clue: Namemeligrong maiwan sa pansitan ang presidentiable lalo pa’t pansariling interes ang inaatupag kung saan ipinanganak na merong gintong kutsara sa bunganga at nagpapaka-trying hard magpaka-masa. Kung senador o gabinete, ito’y meron letrang “A”, as in Anak.
(mgakurimaw.blogspot.com)
1 comment:
hula, hula
Post a Comment