Monday, July 13, 2009

july 13 2009 abante tonite

Presidentiable naduwag sa debate
(Rey Marfil)

Kung anong tapang puntiryahin ang No. 1 position sa gobyerno at ipangalandakan sa television commercial ang ambisyon, siyang duwag ng presidentiable sa national debate na itinakda ng isang malaking grupo, patunay ang makailang-beses na pag-iwas sa harapang diskusyon nito.

Sa report na nakalap ng TONITE Spy, hindi lamang naduwag bagkus ay umabot hanggang ilalim ng tiyan ang pagkabahag ng buntot ng isang presidentiable, animo’y asong nakakita ng malaking kalaban sa kalye na kumaripas ng takbo kaya’t ipinapa-ban ngayon ng organizer ang presidentiable at ayaw nang isali sa national debate dahil nalalagay sa alanganin ang programa nito.

Makailang-beses inimbitahan ang presidentiable sa harapang diskusyon ng isang malaking organisasyon, subalit kasing-dami din ng ‘invitation’ ang katagang ‘regrets’ nito.

Sa bandang huli, nadiskubreng takot humarap sa debate ang presidentiable, kalakip ang pangambang maurirat at maungkat ang mga eskandalong kinasasangkutan lalo pa’t walang mahanap na kasagutan sa posibleng makakatunggali o uupong panel.

Ang nakakatawa lamang, ‘hindi nakabili’ ng mahusay na script writer at director ang presidentiable dahil makailang-beses ginamit ang kanyang lumang script upang makalusot sa harapang debate ng mga presidential wannabes.

Nang unang inimbitahan ang presidentiable, kaagad nag-regrets at inirasong dadalo sa isang mahalagang okasyon kaya’t hindi mapauunlakan ang invitation, katulad din ang ginawang palusot sa 2nd round ng national debate kung saan isinangkalan naman ang birthday ng kanyang nanay.

Katulad sa 1st at 2nd round ng national debate, muling inimbitahan sa 3rd round ang presidentiable at ikinagulat ng mga kurimaw ang palusot ng kumag, animo’y kinopya lamang sa ikalawang pag-regrets dahil ginamit ang birthday ng kanyang misis.

Nang suriin ang mga palusot ng presidentiable at ipagtanong kung kailan ang birthday ng kanyang misis, ikinagulat ng mga kurimaw na isang linggo ang pagitan dahil mauuna ang nakatakdang national debate o petsa ng imbitasyon ng organizer, malinaw ang nararamdamang takot ng kumag dahil posibleng ilampaso sa debate.

Hindi naman ikinagulat ng mga kurimaw ang walang katapusang pag-iwas sa debate ng presidentiable dahil lahat ng sinabitang eskandalo, ito’y idinaan sa takbo, as in puro bayarang spokesman ang nagsisilbing mouthpiece para idepensa ang sarili nito.

Clue: Madaling makilala ang presidentiable dahil minu-minutong napapanood ang commercial sa telebisyon. Kung senador o gabinete, ito’y ipagtanong kay Matet ng Senado. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: