Wednesday, May 13, 2009

may 13 2009 abante tonite

Senador nakuryente na naligaw pa!
(Rey Marfil)

Kung ‘killer punch’ ang kumbinasyon ng mga suntok ni People’s Champ Manny “Pacman’ Pacquio, dobleng sabit naman ang inabot ng isang miyembro ng Upper House matapos makuryente at maligaw sa session hall.

Halos maglupasay sa katatawa ang mga kurimaw, sa pangunguna ng TONITE Spy matapos masaksihan kung paano ‘naligaw’ at mabulag ng impormasyon ang isang senador, ilang oras bago magsimula ang sesyon.

Naging patakaran ni Senate President Juan Ponce Enrile na magsisimula ang sesyon, eksaktong alas-tres ng hapon at nakasanayan ng lahat ng deputado ang ganitong patakaran nito.
Kung meron kasalanan sa pagkaligaw ng senador, walang iba kundi sariling staff o tauhan dahil hindi nasabihan na atrasado ng tatlumpung minuto, as in 30 minutes ang pagbubukas ng sesyon.

Isa sa mga tinaguriang ‘the late senator’ ang mambabatas, as in palaging late pumasok ng session hall, at public hearing, maging sa mga dinadaluhang aktibidades kung kaya’t pinagtatawanan ang pagkakakuryente nito.

Dahil ilang araw nawala sa Pilipinas, nakaligtaan ng senador ang ethics probe ng Committee of the Whole tungkol sa eskandalong kinasasangkutan ni Villar kung kaya’t inaabot ng alas-dos ng hapon ang hearing dahil sa walang katapusang pagkuwestyon ng minority bloc sa ethics rules.

Katulad ng inaasahan, pinatunayan pa rin ng senador ang pagiging ‘the late senator’ dahil pasado alas-tres ng bumaba sa session hall subalit laking tuwa ng makitang mag-isa ito, as in feeling nito’y nakaisa sa mga maagang pumapasok at na-break ang record dahil puwedeng sabitan ng medalya bilang ‘most punctual’ sa class room.

Lingid sa kaalaman ng senador, napagkasunduan ng mga dumalo sa ethics probe ng Committee of the Whole na iurong ang opening ng sesyon, ganap alas-3:30 ng hapon kaya’t halos magkandabali ang leeg ng mambabatas sa kalilingon sa gallery kung nasaan ang mga kasama nito.

Kundi nabulungan ng mga tauhan ng Office of the Sergeant at Arms (OSAA), partikular ng ilang taga-Page nakatambay sa gallery, hindi nalaman ng mambabatas na atrasado ng tatlumpung minuto ang opening ng sesyon kaya’t mabilis umakyat ng kuwarto ito.

Clue: Hindi kwestyon ang husay ng senador subalit saksakan ng daldal sa public hearing, maging sa iba’t ibang interview. Ito’y tinaguriang ‘Mulaway’ ng Senado, as in talsik nito’y lumalaway at nagka-flash flood sa floor. (www.mgakurimaw.blogspot.com)