Tuesday, May 19, 2009

may 19 2009 abante tonite

Maraming benefits sa singko sentimos!
Rey Marfil


Sa school year 2007-2008, pumalo sa 12.3 mil-yong grade school pupils ang naitala ng DepEd, ito’y kumakatawan sa 37,807 eskuwelahan habang 5.1 mil-yong high school students mula sa 6,198 eskuwelahan.

Ang katotohanan, ta­nging 348 libong guro ang nagtuturo sa 12.3 milyong bata na nasa edad 6 hanggang 11-taon habang 131 libong guro sa high school kaya’t hindi nakakapagtakang bagsak ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, aba’y ‘wala na ngang makain, walang pambili ng gamot, ito’y wala pang edukasyon’.

Hindi naman puwedeng umasa sa Makati o kaya’y humingi ng himala kay Boy Padyak ang mga Pinoy lalo pa’t pang-eleksyon lang naman ang drama ng mga ito!

Hindi lang iyan, walang sariling computer laboratories ang karamihan sa public school, as in 47%, katumbas ng 3,060 eskuwelahan lamang mula sa 6,498 public high schools ang nabiyayaan ng computer laboratories at hindi pa up-to-date ito.

Ang malupit, meron ngang computer, wala namang internet connection ang 33% ng public high schools, katumbas ang 2.186 eskuwelahan at wala ring kumpletong information technology (IT) curriculum.

Ang pinakamasakit sa lahat, 50% lamang ng high school graduates ang nakakatuntong ng kolehiyo. Sa simpleng explanation, nakakadismayang 44% ng public schools sa buong Pilipinas ang walang computer habang 56% ang merong sari-ling computer subalit sisinghap-singhap, animo’y nagka-memory gap ang computer system.

Sa labing-anim na rehiyon, pinakamalalang kaso ang CARAGA region, aba’y 66% ang walang computer sa public schools, kasunod ang Region 9 (61%), Region 5 (55%), Region 7 (54%), Region 12 (50%), ARMM (50%), Region 6 (49%), Region 11 (48%), CAR (47%), Region 8 (46%), Region 1 (43%), Region 10 (41%), Region 11 (33%), Region 3 (30%), at Region 4 (30%).

At lumalabas sa pag-aaral, ta­nging public schools sa National Capital Region (NCR) ang pinagpala, aba’y 2% lamang ang walang computer.
***
Napag-usapan ang computer system sa public schools, bakit hindi gawing priority measures ng misis ni Jose Pidal ang text revenue kung gustong iangat ang kalidad ng edukasyon.

Ang sabi ni Mrs. Gloria Arroyo, “Hangad kong makapasok sa eskuwela ang bawat bata. Mayroong sapat na silid-aralan at computer sa bawat silid-aralan”, maliban kung nakalimutan ang inaugural address sa Quirino Grandstand noong Hunyo 30, 2004 o kaya’y naging busy sa panahong iyon dahil nasa kabilang linya si Garci kaya’t naisilid sa bulsa ang pangakong binitawan nito?

Kung kayang ‘pata­yin’ ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang impeachment complaint kada taon, bakit hindi utusan ang dalawang anak, hipag at bayaw, sampu ng mga kaporal sa Lower House, upang ilusot ang 50 sentimos kada text.

Sa proposal ni Cong. Danilo Sua-rez, lahat ay makikinabang dahil limang sentimos ang bubura sa humihinang sistema ng edukasyon dahil magkakaroon ng bagong computer laboratory ang bawat public schools.

Higit sa lahat, iiral ang transparency sa kinikita ng mga telecommunication firm at kuwentas-klaras kung saan mapupunta ang 5 sentimong shares ng telcos at gobyerno.

Take note: ‘text capital’ ang Pilipinas, katumbas ang 2 bilyong text messages kada araw at sa bawat 5 sentimos kada text, maliwanag ang P100 milyon o P3 bil-yon kada buwan at P36 bil-yon sa isang taon -- ito’y sapat upang tugunan ang computer lab ng bawat public schools.

Ang nakakalungkot, pumapalag ang telecommunication firms gayong ‘tubong-lugaw’ sa ‘pisong text’. Malinaw ang kuwenta ni Sua-rez, kahit gawing 50 sentimos ang text, malaki pa rin ang maisusubi ng mga kumpanya.Ibig sabihin, kahit iba­ba sa 30 sentimos ang text, kikita pa rin ang mga telcos, maliban kung sadyang matakaw sila sa pera?(www.mgakurimaw.blogspot.com)