Thursday, May 14, 2009

may 14 2009 abante tonite

Bading lang ang nagsusulsi!
Rey Marfil


Kung nagkataong katabi ng upuan habang ini-interbyu sa isang morning talk show, sa malamang na-Richard Gomez si MMDA chairman Bayani Fernando, as in nabatukan ni pro-tempore Jinggoy Estrada, aba’y kasing-buhol ng traffic sa Edsa ang kasagutan ng bayaning isinusuka ng mga vendor tungkol sa P1.1 milyong tsekeng ipinang-birthday noong 2003, 2005 at 2006 mula sa katas ng Metro Manila Film Festival (MMFF), maliban kung aral sa mga ex-Metro aide kaya’t hindi naintindihan ang nila­laman ng speech ni Jinggoy?

Kaya’t ang biruan ng mga kurimaw, dapat mag-ingat sa pagmamaneho ang driver ni Jinggoy kapag nasa Edsa, siguradong plakado ang lahat ng sasakyan at sa mala­mang, hindi makukuha sa areglo kapag natiketan!

Ang nakakatawa, pagka-divert ng ‘MMFF funds’ tuwing birthday ni Fernando ang expose ni Jinggoy, ito’y malinaw sa tatlong tsekeng iprenisinta sa power point presentation subalit labas sa ‘yellow lane’ ang resbak ni Fernando. Kung hindi tumanggap ng cash gifts kada mag-celebrate ng birthday sa MMDA office, bakit naitanggi ang akusasyon ni Jinggoy?

Sa halip kontrahin ang ‘Katas ng MMFF expose’, ginawang palusot ni Fernando ang alegasyong naglalaway ang senador sa pag-handle ng Metro Manila Film Festival, maliban kung idol ni Fernando ang tropa ni Senador Manny Villar na nagdidepensa sa ethic­s probe, hindi ba’t mala-C5 road kung ilihis ang usapan? Kaya’t huwag ipagtaka kung mauwi sa 0% ang popularity rating ni BF!
***
Napag-usapan ang ethic­s probe, walang pinag-iba sa Cleveland Cavaliers vs Atlanta Hawks ang nangyari sa tropa ni Villar, aba’y na-sweep sa 2nd round ng NBA playoffs. Katulad ng ‘favo­rite line’ ni Erap na ‘weder, weder lang’, hindi ba’t da­ting majority bloc, sa pangu­nguna ng katukayo ni Joselito Cayetano nagsisilbing ka-double ni Villar ang ‘umiiyak’ sa adoption ng ethics rules na kesyo nauuwi sa number games ang labanan, animo’y nakalimutang naupo rin bilang Senate President ang kanyang amo, sa pamamagitan ng number games o suporta ng majo­rity bloc? Ika nga ni Jamby Madrigal, meron palang itik na pumuputak at sabi rin ng mga matatanda, kung sinong pumutak, siyang nangitlog, ‘di ba birthday boy Jay Lacson?

Pinagbigyan na ngang lahat ng luho ng mga ka-tropa sa pagplantsa ng ethics rules, ginawa pang resbak ni Villar ang alegasyong ‘tailor-made’ ang proseso gayong ‘participante’ ang lahat ng galamay nito. Hindi naman sastre ang tropa ni Manong Johnny at uso ngayon ang alteration station sa mall at bading lamang ang nasusulsi, kahit itanong n’yo pa kay Alan Peter.

At paanong ‘tailor-made’ ang ethics rules gayong napakahusay ng mga inarkilang abogado ni Villar. Hindi lang isa kundi tatlo ang tumayong counsel -- sina Nene Pimentel, Joker Arroyo at Alan Peter. Never mind si Pia Cayetano, ito’y pakurut-kurot lang naman sa floor, animo’y nagpakuha lang ng video dahil live sa ANC-21 ang hearing.

Ang malaking tanong ng mga kurimaw: Nasaan si Mr. Noted, as in Francis Pangilinan sa panahong kailangan ni Villar, maliban kung inabandona ang ka-tropa sa Wednesday Club dahil takot maipit sa Liberal lalo pa’t nag-aambisyon maging running mate ni Boy Pad­yak o kaya’y takot maging binatog kapag nagka-flash back at naungkat kung paano isinalang sa ‘washing machine’ bilang ex-ethics chair ang BW scandal na kinasangkutan ng ama nina Alan at Pia, maging ang kawalan ng proseso sa ethics probe laban kay Ping Lacson na agarang pinasagot at pinalabas pang sufficient in forms and substance ang mga kasinungalingan ni Ador Mawanay at tahimik na hinarap nito, hindi katulad ni Villar, aba’y maraming kumakahol at pumuputak. Anyway, miyembro ng majority bloc si Villar at ka-term sharing ni XP Frank Drilon bilang Se­nate President sa panahong naisalang sa ethics probe si Lacson.