Kapag pinag-usapan ang C-5 road scandal, ‘di uubra ang campaign slogan ni Uncle Barrack Obama. Kung isasalin sa wikang Pilipino ang ‘Change’ isinisigaw ni Obama sa panahon ng kampanya, hindi ‘barya’ ang right of way na iniimbestigahan ng Committee of the Whole, as in multi-bilyong piso ang kalsadang dumaan sa pag-aaring subdibisyon ni Lolo Manny. Ibig sabihin, kahit anong kahol ang gawin ng katukayo ni Joselito Cayetano, hindi makukuha sa press conference ang paghahanap sa ‘tamang daan’ at gamitin ang presidential bid scenario upang matakasan ang ethics probe.
Ngayong umaga, magkakaalaman kung dadako sa proper inquiry o ibabasura ang ethics complaint ni Jamby Madrigal. Kapag natuloy ang ethics probe, hindi malayong magkatotoo ang prediksyon ni Dick Gordon -- panlimang senador si Villar sa masasampolan ng ethics committee, alinsunod sa kasaysayan ng Philippine Senate, kinabibilangan nina dating senador Ramon Diokno, Jose Vera at Jose Romero noong 1946 sa kasong ‘fraud and terrorism’. Hindi lang iyan, magkatulad ang sitwasyon ni Villar sa kaso ni dating Senate President Jose Avelino, ito’y napatalsik sa trono noong 1949 at nasuspendi ng isang taon.
Maging si dating Pangulong Sergio Osmeña Jr., ito’y nasuspendi bilang Congressman noong 1960 sa loob ng 15 buwan. Ang kaibahan lang, conflict of interest ang sinabitan ni Villar sa C-5 road, hindi katulad ni Osmeña nadale sa “serious disorderly behavior” dahil pinagmumura si dating Pangulong Carlos Garcia nang-i-veto ang anti-graft bill. Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: Paano kung mauwi sa expulsion at natalong presidente si Villar sa 2010, saan babalik ang mister ni Ma’am Cynthia, alangang magtayo ng sariling Senate building sa C-5 road o kaya’y mag-office sa Camella Homes?
***
Napag-usapan ang ethics probe, sadyang walang interes si Villar na harapin ang Committee of the Whole. Sa mismong get-together o weekly meeting ng “Thursday Club” sa Solid Mills Building, Makati City, aba’y malinaw ang deklarasyon ni San Juan Cong. Ronnie Zamora habang kausap si ex-DENR Sec. Jun Factoran, isang malutong na katagang “Hindi”. Ibig sabihin, lalabanan ang Committee of the Whole via airwaves, as in idadadaan sa ‘media battle’ ang C-5 scandal. Ang resulta: Nagpatawag nga ng press conference si Villar kinahapunan, ilang oras makaraang isalang sa preliminary inquiry ang ethics complaint ni Madrigal. Iyon nga lang, hindi pa rin sinagot ni Villar ang pitong reklamo ni Atty. Ernesto Francisco nang magpa-presscon sa Senate Lounge kundi naglabas ng sariling Google map.
Ni sa panaginip, ayokong isiping sumasablay ang ‘legal mind’ ng katukayo ni Joselito, aba’y naturingang abogado, hindi magawang payuhan ang kanyang amo na humarap sa ethics probe. Kung walang kinakatakutan si Villar, katulad ng press releases ni Alan Peter sa bawat interbyu, bakit natatakot sumunod sa proseso. Take note: Humarap si Cayetano sa ethics probe ng Kongreso kahit kinukuyog ng mga kampon ni Mrs. Arroyo dahil dispalinghado ang mga hawak na dokumento sa dollar accounts ng kanyang Tito Mike Arroyo, maliban kung hindi alam ni Villar ang ‘palabas’ sa C-5 road at takot ‘ma-dead end’ kapag ‘binaybay’ ng mga kasamahang senador ang katanungan kung bakit puro subdibisyon ang nakinabang sa proyekto?
Ang nakakatawa lang, mas naunang nag-ocular inspection si Villar sa C-5 road kaya’t malaking tanong kung sa ‘tamang daan’ ipinasyal ang Senate reporters kahapon, maliban kung kinakabahan sa ‘excursion’ ng Committee of the Whole kaya’t pini-preempt ang imbestigasyon? Kapag sinuri ang ocular inspection, isang araw bago pagbotohan ang preliminary inquiry report, animo’y ‘nag-ober da bakod’ sa police line ang grupo ni Villar at nililinis ang ebidensya sa crime scene, katulad ng mga eksena sa Crime Scene Investigation (CSI). Kaya’t abangan kung sinong matatapang na senador ang sasali sa botohan ngayon! (www.mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment