Thursday, April 23, 2009

april 23 2009 abante tonite

Takot ma-’Gus Abelgas’?
Rey Marfil


May bahid-pulitika man o wala, hindi ‘two things’ kundi isang bagay lang dapat gawin ni Manny Villar -- sagutin ng harapan ang reklamo ni Jamby Madrigal sa ethics committee para matapos na ang lahat. Kung walang itinatago sa C-5 road project at hindi nakinabang sa P1.2 bil­yong right of way ang mga pag-aaring subdibisyon, bakit hindi patunayang mali si Donya Consuelo, at least malinis na haharap sa mga botante sa 2010.

Ika nga ‘the truth will set you free’ na nagpahamak naman kay Jinggoy Estrada. Ang biruan tuloy sa media center, tila hindi matanggap na tawaging ‘anghel’ sa pag-leak ng draft order kaya’t umamin. Anyway, abangan ang ‘Katas ng Saudi Part 2’ at sa malamang ‘Angel Estrada’ ang ‘screen name’ ni Jinggoy!

Matatapang ang kataga ng bawat isa. Ang resbak ni Senator Ping Lacson kay Villar dahil sa walang katapusang ‘pagkahol’ ng katukayo ni Joselito Cayetano na pilit idina-divert ang draft order bilang committee report. “Huwag magtago sa pundilyo ng iba.” Ang sagot ni Villar, “hindi ako duwag, hindi ako natatakot kaninuman, sasagutin ko iyan sa tamang panahon.”

Ang tanong ng mga kurimaw: Kailan ang ‘tamang panahon’, hindi ba’t nilikha ang committee on ethics para bigyan ng pagkakataon ang bawat senador at kongresista na maipagtanggol ang sarili, maliban kung takot-ma-Gus Abelgas dahil hindi nagsisinungaling ang ebidensiya?

Hindi lang si Villar ang naisalang sa ethics probe, mismong si Senate President Juan Ponce Enrile, kinasuhan sa panahong magkasama sa minority bloc ni Erap subalit kinompronta sa hearing ang mga accu­sers.

Si Sonny Trillanes, inireklamo ni Aling Miriam sa Peninsula siege, bakit hindi umiiyak ng foul, mali­ban kung nakasanayan ang mabilanggo sa PNP Custodial. Maging si Dick Gordon, inireklamo ng ‘double job’ ni Dante Liban, bakit hindi ‘pinag-aksaya ng laway’ ang ibang katropa?
***
Napag-uusapan ang ethics probe, pinakamatinding halimbawa si Lacson, hindi pa nag-iinit ang puwet sa session hall, ito’y pinagtutulungang gibain ng mga kaporal ni Mrs. Arroyo at katropa ni Jose Pidal sa Palasyo. Imposibleng nakalimutan ni Villar ang ethics probe kay Lacson, alinsunod sa reklamo ni Ador Mawanay.

Bakit mag-isang hinarap ni Lacson ang mga accuser at walang tuma­yong spokesman o ka-double para ituwid ang humahabang baba ni Ador tuwing magsisinungaling sa Upper House? Take note: Si Frank Drilon ang Senate President sa panahong iyon at ka-term sharing si Villar bago nagtuluy-tuloy ang paghahari sa Upper House. Ang depensa ni Villar, gustong pa-imbestigahan ang BW scandal na ikina­kabit sa double murder case kay Lacson.

Ang nakalimu­tan ni Villar, ama ng nagsisilbing ‘mikropono’ sa double insertion at ethics probe ang nasampolan ng Upper House. Mabuti na lang, hindi nalusaw si Alan Peter Cayetano sa kanyang kinauupuan. Teka lang, naitanong kaya ni Pidro sa sarili kung saan napunta ang kinita ng ama sa BW resources na laway lamang ang puhunan habang naghahamon ang bagong ‘ama-amahan’? Mabuti na lang, naka-zipper ang bibig ni Juliana Pilar ‘Pia’ Caye­tano, kaya’t hindi nadamay sa gulo.

Sa mga nalilihis ang landas at nakalimutan ang kasaysayan ng Upper House, balikan ang ethics probe kay Lacson, hindi ba’t si Francis Pangilinan, alyas Mr. Noted na ka­tropa ni Villar sa Wednesday Club ang nakaupong chairman noon?

Sa panahon din ni Pangilinan naganap ang ‘pagkula’ sa P80 mil­yong BW scam ng namayapang si Rene ‘Compañero’ Ca­yetano kahit nakapag-prisinta ng solidong ebidensiya ang spokesman ni Erap -- si Atty. Boying Remulla, ngayo’y Cavite Congressman at katropa ni Villar sa Nacionalista Party?

At ang nakababatang kapatid ni Cong. Boying -- si ex-Cong. Gilbert Remulla, ito ngayon ang spokesman ni Villar. Napaka-ironic ‘di ba, sila-sila rin ang nagkikita-kita sa finals? (www.mgakurimaw.blogspot.com)