Sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, nangunguna pa rin si Vice President Noli De Castro, (27%), kasunod sina Manuel Villar, (26%), Loren Legarda (25%), Chiz Escudero (23%), Mar Roxas (15%), Ping Lacson (14%), at Erap Estrada (13%). Sa pitong (7) presidentiables, pinaka- masuwerte sina Noli, Chiz at Ping, aba’y wala pang pondong inilalabas, ito’y nasa survey, hindi katulad ng ‘bayaning isinusuka ng mga vendor’ -- si MMDA chairman Bayani Fernando na malapit nang magtayo ng hardware dahil ginawa nang lahat ng gimik at kulang na lang ay mag-madyik sa kalye, puro pako pa rin ang rating.
Ikumpara sina Noli, Chiz at Ping sa ibang presidentiables, kalokohan kundi umabot sa bilyones ang pre-campaign ads ni Mr. Two Things Villar sa nagdaang ilang buwan upang matakpan ang ‘double insertion’ sa C-5 project? Mantakin n’yo, halos kausapin ni Villar bawat minuto ang itik sa TV commercial para iangat ang popularidad subalit na-gutter pa rin, as in natapyasan ng 1%, hindi bale si Uncle Noli kahit 4% ang natanggal, libre at sariling palo ng gobyerno ang Pag-IBIG infomercial. Maging si Mr. Palengke, umuusok ang TV ads, oras-oras nagpapa-interbyu sa Legacy scam at halos araw-araw din ipinapatawag si Celso delos Angles sa Upper House subalit 5% lang ang ‘tinubo’ gayong humigit-kumulang P80 milyon ang puhunang inilagay sa isang television station pa lamang!
***
Napag-uusapan ang survey, hindi kailangan pang kumuha ng 1,200 respondents ng Pulse Asia at SWS upang ipa-intindi sa publiko ang katotohanang napakalaking katarantaduhan ang sariling presidential survey. Kahit sinong rugby boys sa ilalim ng LRT station, mababa-bad trip sa kanilang questionnaire. Mantakin n’yo, meron bang tatlong (3) Presidenteng ibinoboto, katulad ng katanungan kung sino ang ipapalit sa misis ni Jose Pidal ngayong 2010 election. Hindi naman si ex-House Speaker Jose de Venecia Jr., ang nag-o-opisina sa Palacio del Governador kundi nangangalang Jose Melo, kaya’t napakalabong magkaroon ng Deputy President for Mindanao, Visayas at Luzon, katulad ng pinauso sa Lower House ng mister ni Manay Gina sa mahabang panahon.
Sa pinakahuling SWS survey, simula Pebrero 20 hanggang 23, ganito ang katanungan ng grupo ni Mahar Mangahas sa respondents: “Sinu-sino sa palagay ninyo ang mga magagaling na lider na dapat pumalit kay Pangulong Arroyo bilang Presidente? Maaari po kayong magbanggit ng hanggang tatlong sagot,” Hindi ba’t kataranduhan ang tanong, kahit sa actual voting, isa lang ang inilalagay sa balota bilang Presidente? At hindi lang 1,200 ang botante para paniwalaan ang nagsusulputang survey. Balikan ang resulta ng 2007 election, bakit nanalo si Senador Antonio Trillanes IV gayong idineklarang matatalo sa exit polls. Higit sa lahat, sablay ang prediksyon ng 2 survey firm kung sino ang Top 3 senators!
Kung tamang pulso ng publiko ang hanap ng Pulse Asia at SWS, bakit kailangang maglagay ng tatlong (3) presidentiables, bakit hindi hayaan ang mga respondents mag-isip nang ibobotong Presidente, maliban kung nakasanayan ang mga nagsusulputang akusasyong “False Asia” at “MWSS” ang dalawang (2) survey firm, aba’y ‘nawa-wow mali’ at inililista sa tubig ang resulta ng survey?(www.mgakurimaw.blogspot.com)
1 comment:
taas ang kamay kung sinong naniniwalang hindi nababayaran ang pulse asia at sws.....
Post a Comment