Thursday, April 16, 2009

april 16 2009 abante tonite


Iisa ang mastermind!
Rey Marfil


Napakahirap nang walang asawa, katulad ni Loren Legarda, ito’y inakusahang girlfriend ni East Timor President at Nobel Peace Prize awardee Jose Ramos-Horta, gamit ang isang nagpakilalang news magazine. Ang headline: ‘Senator Loren Legarda is in love again: Will Only Marry Head of State’. Ang depensa ni Loren Sinta, ito’y naimbitahan lamang sa East Timor bilang state guest.

Sabagay, walang masama kung mag-asawa sa ikatlong pagkaka­taon, ito’y legally separated o walang bisa ang kasal sa unang asawa, maging kay convicted murder at ex-Batangas Gov. Tony Leviste. Hindi kailangang magtinda sa palengke at maghalo ng graba para maintindihang may karapatang lumigaya si Loren Sinta. Ang tanong lamang: Papayag bang taga-abot lamang ng tsinelas ni Ramos-Horta si Loren Sinta bilang papel ng isang asawa?

In fairness kay Loren Sinta, napaka-imposibleng patulan si Ramos-Horta, lalo pa’t nung nakaraang kampanya, inamin ng lady solon na idinispatsa ang isa sa mga nagpaparamdam. Kundi nagkakamali ang Spy, meron isang mayamang Chinese businessman ang umaaligid sa lady solon at naka-base sa East Timor. Sa malamang, namali ng pagsipat ang kalaban ni Loren Sinta at napagkamalang si Ramos-Horta.

Anyway, ‘sounds familiar’ ang Ramos-Horta kay Loren Sinta, hindi ba’t si ex-President Fidel Ramos ang ‘pumirata’ sa lady solon bilang se­natorial candidate noong 1995 elections? Ang resulta: Naun­­­syami ang pangarap ni DOF Sec. Gary Teves makarating ng Upper House, as in ipinagpalit ni Tabako at ibinigay ang natitirang slot kay Loren Sinta kahit napaka-loyal ni ‘Gary T’ sa Lakas-NUCD party.
***
Napag-uusapan ang demolition job, hindi nag-iisa si Loren Sinta sa biktima. Bago pa man kumalat ang pag-iibigang ‘Loren at Jose’, unang binuliglig ng kahalintulad na operasyon ang kasamahang si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson. Katulad ng ‘special opera­tions’ kay Loren Sinta, isang pekeng tabloid ang kinasangkapan at ipinakalat sa slum area para wasakin ang imahe ni Lacson -- ito’y kainitan ng ‘Mancao story’ ni Sir Raul Ko. Take note: ipimudmod ang 2-page tabloid sa mga taga-Tondo, maging sa mga residente sa Port Area at iba pang mataong lugar sa National Capital Region (NCR).

Gamit ang ‘Bukol Express’ bilang company name, pawang kasiraan ni Lacson ang naka-imprenta sa 2-page tabloid, animo’y ‘resur­rection’ ng demolition job nina ex-ISAFP chief Victor Corpus, ex-General Reynaldo Berroya, Ador Mawanay, Rosebud at Blanquita Pelaez, as in ‘xerox’ o photo copy sa naunang script ang pag-atake. Kung maagang ipinanganak si Lacson at nabuhay sa panahon ng mga Kastilalo’y, sa malamang, naituro pang pumatay kina Gat. Jose Rizal at Andres Bonifacio.

Kaya’t masuwerte si Loren Sinta, aba’y head of state ang boypreng iniintriga, kesa naman tambay ng inuman o kaya’y manyakis sa staff? Ang ma­tinding revelation sa lahat, iisa ang pinagmulan ng ‘Bukol Express vs Lacson’ at ‘Spybiz magazine vs Loren Sinta. Kaya’t asahan ni Boy Padyak, as in Mar Roxas, ito ang susunod na biktima!

Hindi tinukoy ni Lacson kung sino ang nagpondo, subalit ibinistong nakabase sa Sta. Cruz, Maynila ang printing firm na nagpatakbo ng istorya. Ibig sabihin, iisa ang mastermind at walang choice ang printing firm kundi tanggapin ang working job. Sabagay, kahit pag-imprenta ng bold, papatulan ng printing firm, lalo pa’t krisis ang buong mundo at mahirap kumita ng pera.

Mantakin niyo, pati Sogo Hotel, inirerekla­mong nagpapalabas ng bold para makahikayat ng costumer, aba’y isang text message ang natanggap ng kurimaw at meron daw ‘triple X’ sa bawat kuwarto ng Sogo Hotel at tumatanggap ng estudyanteng costumer. Kung ganito ang kalakaran, posibleng mauwi sa drug den ng kabataan. Kaya’t dapat banta­yan at imbestigahan ang Sogo Hotel, maliban kung namali ng channel o nagha-hallucinate sa ‘excitement’ ang sender! (www.mgakurimaw.blogspot.com)