Credit ratings | |
Dahil sa matalinong paggugol ng pondo ng administrasyong Aquino, muling gumanda ang “credit rating” ng Pilipinas -- ito’y nang itaas ng Moody’s Investors Service, mula BA3 naging BA2 table outlook, isang patunay kung gaano kaseryoso ang gobyerno para ibalik ang tiwala ng international community.
Ang pag-angat ng “credit ratings”, nangangahulugang magkakaroon ng mas malawak na oportunidad ang bansa na makapangutang at asahan ang mababang interes. Bagama’t masakit sa bulsa ang mangutang, ito’y isang paraan upang mapondohan ang mga programa ng pamahalaan at walang choice ang isang bansang mahirap, katulad ng Pilipinas kundi mangutang.
Mas nakakahiya kung walang nagtitiwala at nagpapautang. Ibig sabihin, may kakayahan ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyong Aquino na mangutang at marunong magbayad kaya’t masasabing good news ang pag-angat sa credit ratings ng bansa.
Nakikita ang positibong pagtugon ng economic agenda, repormang pinansiyal at liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pandaigdigang merkado at inaasahan nating magpapatuloy ito. Sa palengke lang, paano ka pauutangin ng Bombay kung walang makitang pwesto, as in kakayahan ang batayan sa credit ratings.
***
Sa halip batikusin, bakit hindi bigyan ng pagkakataon at irespeto ang pagtalaga ni PNoy kay Executive Sec. Paquito ‘Jojo’ Ochoa bilang pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sa tagal ng kanilang pinagsamahan, alam ni PNoy ang kakayahan ni Ochoa na epektibong gawin ang karagdagang tungkulin bilang chairman ng PAOCC sa kabila ng kanyang iba pang mga obligasyon.
Dahil sa malaking tiwala sa kanya ni Pangulong Aquino, kayang-kaya ni Ochoa na mahawakan ang PAOCC nang maayos habang nagsisilbi rin bilang executive secretary.
Napakasimple ng trabaho, aayusin lamang naman ang mga bagay-bagay sa isasagawang reorganisasyon kung saan tutulungan si Ochoa ng iba pang mga opisyal sa Office of the President (OP).
Kabilang sa mga miyembro ng PAOCC ang mga kalihim ng Departments of Interior and Local Government, Justice, National Defense at Foreign Affairs at mga pinuno ng National Security Council, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Intelligence Coordination Agency, National Bureau of Investigation at Philippine Center for Transnational Crime (PCTC).
***
Anyway maganda ang ginagawang regular na pagtiyak ng Malacañang sa kaligtasan ng publiko kung saan lumalabas na hilaw at hindi kumpirmado ang napabalitang intelligence reports kaugnay sa posibleng atakeng terorismo sa Manila.
Ipinapakita lamang ng intelligence report kaugnay sa pagbomba noong nakalipas na Hunyo 12 na isa lamang ito sa mga regular na walang basehang mga pagbabanta na natatanggap ng pamahalaan.
Matapos ang berepikasyon, lumabas na walang katotohanan ang intelligence reports na nagpadala ang isang mataas na Asian terror suspect at notoryus na Abu Sayyaf para bombahin ang Manila sa paggunita ng bansa sa ika-113th Independence Day noong nakalipas na Hunyo 12.
Ngunit sa dulo, higit na importante na hindi natutulog ang ating kinauukulan katulad ng ipinapakita ng administrasyong Aquino na nanatiling masigasig at aktibo sa pagpigil sa mga banta ng karahasan sa bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)