Friday, April 1, 2011

Ang batas ay batas!
REY MARFIL

Hindi pa rin nagbabago ang pulso ng publiko -- nanatiling No. 1 si Senator Francis ‘Chiz’ Escudero -- ito’y nakakuha ng 82% approval ratings, alinsunod sa survey ng Pulse Asia, may petsang February 24 hanggang March 6, kabuntot si Senator Mi­riam Defensor-Santiago (79%).

Pasok sa “Top 5” sina Senate pro-tempore Jinggoy Estrada (75%); Senators Franklin Drilon at Loren Legarda -- nagtabla sa 70% awareness ratings. Malinaw ang pagbabago ng mga numero kapag ikinumpara sa mga nagdaang approval ratings ng mga incumbent senators.

Ilan pang pumasok sa Magic 12 -- sina Senators Alan Ca­yetano (69%); Senator Sonny Trillanes IV (68%); majority leader Tito Sotto III (67%); Senator Serge Osmeña III (64%); Se­nator Gringo Honasan (61%); Senator TG Guingona III (61%); Senate President Juan Ponce Enrile (60%); at Senator Bongbong Marcos (55%).

Sa labing-dalawang nabanggit, karamihan dito’y kauupo lamang noong nakaraang 2010 national election. Ang re-electionist ngayong 2013 mid-term election -- sina Escudero, Cayetano, Trillanes at Legarda -- kapwa nakasama ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Genuine Opposition (GO) ticket noong 2007 mid-term election habang ‘nag-lone ranger’ si Gringo.

Nakaraang 2007 election din nadisgrasya ang career ni Sotto, maging si Senator Ralph Recto -- parehong tumakbo sa ticket ni Mrs. Arroyo at pareho rin umuwing luhaan ang mga ito.

At noong 2010 polls, naiba ang kuwento, nanalo si Recto sa ticket ng Liberal Party (LP) ni PNoy habang independent si Sotto.

Sa simpleng explanation at hindi kailangan pang hingin ang opinion ng mga nagpapakilalang political analyst o eksperto -- si Escudero ang ‘man to beat’ sa 2013 mid-term election at posibleng magtuluy-tuloy sa 2016. Kaya’t asahang ‘doble-sipag’ si Kuya Jose, as in Jinggoy lalo pa’t pambato ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), depende sa magiging pagkilos ni Vice President Jojo Binay sa loob ng anim na taon.

***

Ilang minuto makaraang mabalitaan ang pagbitay ng pamahalaang China sa tatlong Filipino drug mules -- sina Sally Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo, walang sinayang na sandali si PNoy -- ito’y nagtungo sa Palace chapel upang mag-alay ng dasal at panalangin, kasama ang Church officials.

Ang grupo ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales na nagkataong bisita sa Premiere Guest House para bigyan-linaw ang posisyon ng gobyerno sa Reproductive Health (RH) Bill ang nakasamang magdasal ni PNoy sa Palace chapel, animo’y inadya ng Maykapal ang pagkakataon, ilang minuto makaraang iparating ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary (Assec) Ed Malaya sa Office of the President (OP) ang malungkot na balita via text message.

Sa kabuuan, hindi nagkulang ang administrasyong Aquino para isalba ang buhay ng tatlong Pinoy drug mules, patunay ang makailang-beses na pagliham ni PNoy sa Peoples Republic of China (PROC) upang ihingi ang pagbababa ng sentensiya at nagawa pang ipadala si VP Binay subalit pansamantala lamang ang kasiyahang ibinigay -- ito’y hindi lingid sa kaalaman ng karamihan lalo pa’t droga ang kinasasangkutan.

Bawat buhay, mahalaga kaya’t nakakalungkot ang sinapit ng 3 Pinoy workers sa China subalit, “Ang batas ay batas.

Malupit ang batas. At iyan ang batas”, as in walang ibang option ang Pilipinas kundi magmakaawa.

Masakit ang katotohanang nasasangkot sa illegal activities ang ilan nating kababayan para lamang umangat sa buhay -- ito nawa’y magsilbing leksyon sa karamihan.

Anyway, tiniyak naman ni PNoy na bibigyan ng scholarship ang mga naulila at magbabayad ang mga “mastermind”, as in bibigyan ng hustisya ang sinapit ng tatlo nating kababayan.

Ang hindi lubos-maisip ng mga kurimaw kung bakit sinisi si PNoy ng ilang “nagmamarunong” sa pamamalakad ng gobyerno gayong sa simula’t simula’y nalalaman kung anong taon hina­tulan ng parusang bitay at ano ang kanilang ginawa sa panahong “nagrereyna” sa pamahalaan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: