Mapalad tayo! | |
REY MARFIL Mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng lider na katulad ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, isang patunay ang pagpapalawig sa sakop ng fuel subsidy mula sa mga tsuper ng jeep at tricycle hanggang sa mga magsasaka at mangingisda -- isang patunay na walang ibang iniisip ang Pangulo kundi pagaanin ang buhay ng mga Pilipino. Aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy, malaki ang maitutulong ng fuel subsidy na ipinagkaloob ng gobyerno para bawasan ang mga epekto ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, mapapagkain o sektor ng transportasyon. Ang dapat maunawaan ng mga Pinoy, kahit magta-tumbling at maglupasay si PNoy, walang kontrol ang gobyerno sa nangyayaring pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo -- ito’y likha ng mga nangyayaring kaguluhan sa ibang mga bansa kung saan pinanggagalingan ng krudo o petroleum products. Kung susuriin ang sitwasyon, kapuri-puri ang ayudang ito para sa mga maliliit na sektor na nag-ugat sa magaling na desisyon ni PNoy, sampu ng kanyang gabinete, maliban kung sadyang bingi at patuloy na nagbubulag-bulagan ang mga kamote o sadyang likas sa katawan ang magmagaling para hindi mabokya sa “6 p.m. news”? Sa ilalim ng programa, gamit ang Executive Order No. 32 na nilagdaan ni PNoy -- gagawing institusyon ang Public Transport Assistance Program (PTAP) o Pantawid Pasada program -- ito’y meron paunang P450 milyong alokasyon upang tulungan ang sektor ng transportasyon -- isang paraan upang mapagaan ang buhay ng mga driver at pamilya nito. *** Napag-usapan ang pagpapagaan sa pasanin ng publiko, hindi ba’t nakakatuwang marinig mula kay Executive Secretary Jojo Ochoa na maglalaan ang administrasyong Aquino ng P4.2 bilyon para gumawa ng 20,000 bahay sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP)? Take note: Maliit lamang ang suweldo ng mga pulis at sundalo kaya’t napalaking benepisyo ang isinusulong ng Pangulo para sa kabutihan at kagalingan ng mga manggagawa sa gobyerno? Makatwiran lamang na maging benepisyaryo ang police at military personnel sa murang pabahay lalo’t madalas silang nalalagay sa peligro o alanganin ang kanilang mga sarili sa pagtupad sa tungkulin upang matiyak na nasusunod ang mga batas at namimintina ang kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Bagama’t may ilang sinserong pagtatangka na bigyan ng disenteng pabahay ang mga pulis at sundalo sa nagdaang panahon, marami pa rin sa kanila ang rumerenta ng bahay o kaya’y naninirahan bilang informal settlers -- ito’y isa sa “special concern” ni PNoy kaya’t pinapaaral kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ang magiging konkretong aksyon at solusyon. Sa kaalaman ng publiko, nilagdaan ni PNoy ang Administrative Order No. 9 na lilikha sa AFP/PNP Housing Project para magkaloob ng permanentng pabahay sa mga pulis at sundalo, isang patunay na nasa tamang direksiyon ang gobyerno sa pagtingin ng interes at kagalingan ng mga manggagawa. Anyway, inuulit ng inyong lingkod -- para makatulong tayong lahat, suportahan ang kampanya ng gobyerno na maitala ang Palawan Underground River bilang “New Natural Wonders of the World” -- ito’y isang paraan upang lumakas ang turismo at karagdagang oportunidad sa Pilipinas. Kesa sayangin ang load para manloko ng kapwa at lumikha ng intriga, bakit hindi ipadala ang mensahe sa 2861, sa pamamagitan ng pag-text sa letrang PPUR ( Kahit paano, ikaw ay nakatulong sa bayan. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, April 20, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment