“Sakay sa init” | |
Asahang sasakay ang mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III para banatan ang gobyerno sa resulta ng pinakabagong Social Weather Stations (SWS) 1st Quarter survey na isinagawa mula Marso 4 hanggang 7 na nagsabing 20.5% ng respondents ang nagutom isang beses sa loob ng nakalipas na tatlong buwan at 51% ang ikonokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap.
Hindi dapat malito ang publiko sa pamumulitika ng ilang naninira sa pamahalaan dahil labis ring naka-apekto sa serye ng mga paghihirap ngayon ang mataas na presyo ng krudo sa world market o pandaigdigang merkado dahil sa nagaganap na mga kaguluhan sa ibang bansa, as in walang kontrol ang pamahalan dito, maging pinakamakapangyarihang world leader -- isama n’yo pa si US President Barrack Obama o sino pang hari at reyna ng Britanya at Saudi Arabia.
Ibig sabihin, napaka-importanteng maging matalino ang mga tao at mabigyan ng gabay dahil ginagawa ni PNoy ang lahat para maiahon ang mga Pilipino sa kahirapan -- ito’y hindi puro dakdak, maliban kung hindi marunong magbasa ng good news ang mga kritiko o sadyang bulag sa katotohanan at puro intriga sa lovelife ang pinagdidiskitahan?
Ilan lamang sa good news -- ang anti-poverty program ng gobyerno na P21-bilyong Conditional Cash Transfer (CCT) na mayroong 1.4 milyong benepisyaryo sa buong bansa. Take note: Libu-libong pamilya ang nakinabang, ‘yun nga lang hindi pa nahahagip sa random survey ng SWS kaya’t negative ang arrive.
***
Napag-usapan ang survey, siguradong magiging iba ang resulta ng SWS kung nagmula ang mayorya ng respondents sa Visayas at Mindanao kung saan matatagpuan ang karamihan ng mga nakikinabang sa CCT. Pero pangunahing natanong sa hanay ng respondents ang mga nakatira sa Luzon, kabilang ang National Capital Region (NCR) kung saan 60,000 hanggang 65,000 lamang ang mga benepisyaryo ng CCT sapul noong Marso 2011.
Sa simpleng explanation, ayokong isiping nabigo ang survey na parehas at makatotohanang maibigay ang aktuwal na bilang ng mga taong tunay na nakinabang sa anti-poverty program ng pamahalaan. Sa kaalaman ng publiko, sinadya ng pamahalaan na unahin sa CCT program ang pinakamahihirap na mga lugar sa Visayas at Mindanao, partikular sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Caraga, Samar at Leyte. Kakaunti lamang ang bilang ng mga nakinabang sa NCR at Luzon kung saan naman nanggaling ang maraming respondents.
Sa katunayan, walang ibang inisip si PNoy kundi kapakanan ng mahihirap, patunay ang nilagdaang kautusan upang pagkalooban ng P500-milyong ayuda o subsidiya ang jeepney at tricycle drivers na nahihirapan sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at maaring makinabang kinalaunan maging ang magsasaka at mga mangingisda.
Hindi lang ‘yan, todo-kayod rin si PNoy para personal na makiusap sa mga malalaking kompanya na kunin ang serbisyo ng mga Pilipinong propesyunal at overseas Filipino workers (OFWS) lalo na ang mga natamaan ng kaguluhan sa ibang bansa katulad ng ginawa nitong pakiusap sa executives ng Atlantic Gulf & Pacific Co. of Manila (AG&P) para saklolohan ang mga Pilipino.
Ginagawa ni PNoy ang lahat para mahanapan ng solusyon ang mga problema na iniwan ng dating administrasyong Arroyo na pinalala ng pandaigdigang krisis sa langis. At bilang tulong sa mga dumaraming nurse graduates na tambay.
Kamakailan lang, ipinakita ni PNoy ang kanyang malaking puso sa mga mahihirap nang atasan ang mabilis na pagkakaloob ng maayos na serbisyong pang-kalusugan sa mahihirap na mga komunindad sa buong bansa sa pamamagitan ng pagkuha sa serbisyo ng 10,000 bagong nurse kaysa nga naman dumami ang tambay sa bahay.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment