Responsable ka ba? | |
Rey Marfil Mismong si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson ang nagsabing karapat-dapat suportahan ng publiko si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa layunin nitong maisabatas ang kontrobersyal na panukalang reproductive health (RH) o responsible parenthood kung nais nating umasenso ang Pilipinas. Kahanga-hanga ang katapangan ni PNoy na isang Romano Katoliko sapul nang ipanganak, aba’y. nakahandang ma-ex-komumikado para lamang maisulong ang pro-RH stand. Ewan lang kung kayang panindigan ng mga nagmamagaling na kritiko ng Pangulo ang bawat katagang lumalabas sa bunganga ng mga ito, maliban kung “nagpaparamdam” lamang kaya’t umaastang “Mr. Know All” kahit hindi alam ang isyu? Malinaw na hindi basta uupo at manonood na lamang si PNoy habang nagugutom ang maraming pamilya dahil sa kabiguan ng mayorya sa mga mag-asawa na malaman ang mabigat na responsibilidad ng pagpapamilya -- ito ang unang dapat isipin ng mag-partner bago sumiping sa kama o kaya’y maghabulan at magtaguan sa “kasagingan”. Hindi dapat mag-alala si PNoy, naniniwala ang mga kurimaw na maaari pa ring magkaroon ng direktang komunikasyon sa Diyos ang Pangulo para humingi ng tawad sa naging pagkukulang at manalangin ng mga biyaya sakaling hindi na mainit ang pagtanggap ng Simbahan dito. Tumpak ang posisyon ni PNoy, malinaw ang suporta ng mas nakakaraming Pilipino, mapa-Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia survey o kahit pa “magbahay-bahay” ang grupong kontra sa RH bill. Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, maraming Pilipino lalo na ang tinatawag na informal settlers ang namamatay dahil sa gutom, kawalan ng sapat na atensyon ng mga magulang at hindi pagkakaroon ng access sa maayos na serbisyong pang-kalusugan. Simpleng “arithmetic” ang gustong ipaiintindi ni PNoy, dapat isentro sa matalinong diskusyon ang talakayan ng mga kritiko sa RH bill at iwasan ang walang basehan o hindi makatotohanang bintang dahil hindi naman talaga nagsusulong ng aborsyon ang panukala sa pamamagitan ng paggamit ng contraceptives katulad ng condom. Ang reklamo ng mga kurimaw, bakit hindi na lamang hayaan ang pamahalaan na gawin ang kanilang tungkulin nang walang balakid katulad ng pagsusulong ng responsableng pagpapamilya o pagtiyak na magkakaroon ng access ang mga mag-asawa sa natural, artipisyal at modernong pagpaplano ng pamilya. Ika nga ni Mang Gusting, hindi ba isang mortal na kasalanan kung hahayaan na lamang ng kinauukulan na maghirap ang mga pamilyang Filipino dahil sa kawalan ng tamang kaalaman na makapamili ng laki ng pamilya at kung papaano haharapin ang psychological at financial concerns ng pagiging mga magulang? Sa kabuuan, mapalad tayong magkaroon ng isang matapang at prinsipyadong lider katulad ni PNoy na nakahandang maparusahan ng Simbahan dahil sa kanyang paninindigan para sa RH bill, as in nakakabilib ang determinasyon ni PNoy na sumuong sa balag nang alanganin upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang maraming pamilyang Filipino. Hindi ba’t responsibilidad natin ang tumulong na isara ang tinatawag na pabrika ng mga sanggol na responsable sa paulit-ulit na seryosong mga problema ng bansa katulad ng kriminalidad, kawalan ng trabaho at iba pa dahil sa kawala ng kahandaan sa pagpapamilya? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, April 27, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment