Mahigpit ang NFA | |
May ilang mga talunang rice traders sa nakaraang bidding ng National Food Administration (NFA) para sa 600,000 metric tons ng imported na bigas ang nagrereklamo dahil sa umano’y hokus-pokus sa subasta ng nakaraang Marso 23.
Kabilang sa mga nagrereklamo ang mga “favored rice traders” ng nakaraang administrasyon sa pangunguna ng anak ng isang kilalang miyembro ng rice cartel sa bansa na minsan nang naimbestigahan ng Senado sa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Cory Aquino.
Partikular na inirereklamo ng mga luhaang rice traders ang masyadong mahigpit na bidding rules ng NFA na anila’y mahirap matugunan at hindi maganda para sa isang open competition.
Pero kung susuriin ang mahigpit na “instruction to bidders” na inilabas ng Bids and Awards Committee ng NFA -- makikitang kailangan ang ganitong panuntunan at polisiya para tiyaking patas ang pagsasagawa ng subasta.
May nakausap si Mang Gusting na miyembro ng NFA-BAC at ito ang mga sinabi sa ating mga dahilan kung bakit mahigpit ang tinatawag na terms of reference o TOR:
Una, masigurado na ang mananalong bidder ay susunod sa mga obligasyon ng pag-deliver sa Pilipinas ng volume of rice na kailangan, katulad ang pagsigurado sa financial capability ng mananalong bidder.
Ikalawa, tiyakin na ang bidder ay isang legitimate business entity at hindi isang front organization lamang.
Ikatlo, magpatupad ng mga mabibigat na penalties kung sakaling magkaroon ng default at ang pag-produce ng certification or warranty galing sa isang foreign source na magsasabi na ang bidder ay mabibigyan ng rice requirements kung mabibigyan ito ng contract.
Ang ika-apat na layunin ay para matiyak na walang partikular na grupo ang mag-momonopolyo ng volume of rice para sa importasyon.
Ayon sa tagapagsalita ng NFA-BAC si Atty. Gilbert Lauengco, para matiyak na ang mga objectives ay masusunod -- ang lahat ng bidders ay obligadong magbigay ng mga documentary requirements na nagpapakita ng compliance with registration at payment requirements sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Idinagdag pa ni Lauengco na ang ITB (Instruction to Bidders) ay biased sa pabor ng lehitimo at financially capable business entities.
***
Napag-usapan ang paghihigpit, isa pang inirereklamo ng mga talunang bidders ang pagiging masyadong maikli ng oras para makapag-comply sa lahat ng documentary requirements ng bidding process.
Ang sagot dito ni Lauengco -- ito’y bahagi ng competitive process sa isang public auction ay ang pagbibigay ng bid documents sa isang given deadline dahil ito ay nagpapakita ng organizational at financial preparedness ng isang bidder.
Ang isang bidder ay evaluated hindi lang sa basis ng kanyang financial offer kundi pati rin sa kanyang compliance sa mga legal and technical issues na nagpapakita ng organizational, legal at financial capability sa offer niya.
Isang importanteng portion ng documentary requirements ay available sa mga files ng mga legitimate business organizations tulad ng income tax returns, Mayor’s permit, certificate of registration, etc.
Ika nga ni Lauengco, kung ang isang prospective bidder ay hindi makapag-bigay ng mga proper legal documents sa binigay na deadline, ang NFA ay maniniwala na ang bidder na ito’y hindi lehitimong business entity na puwedeng mag-comply sa requirements ng batas.
Sa totoo lang, ang mga rice importation, ito’y dapat nasa bansa natin, sa simula ng “lean season”, partikular sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre habang ang isinagawang bidding process naganap noong Marso 23 o merong tatlong buwang overdue.
Dapat sana’y nagsimula ang bidding noong Disyembre 2010 ngunit dahil sa pagtasa ng mga prayoridad at programa, kasama na rito ang NFA roadmap at mga debate sa private vs. government rice importations ng bagong administrasyon -- hindi nasagawa nang mas maaga ang bidding process.
Ang mahigpit na bidding rules ng NFA ay bahagi ng mga reporma na isinasagawa ni Administrator Angelito Banayo at ito’y batid ng MalacaƱang kaya nga puring-puri ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang NFA bilang isa sa mga nangungunang ahensya na tumatahak sa daang matuwid.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment