Monday, April 4, 2011

‘Di napapansin!
REY MARFIL

Simple arithmetic kung bakit bumaba ang net satisfaction rating ni PangulongBenugno ‘PNoy’ Aquino III, alinsunod sa survey ng Social Weather Station (SWS) -- ito’y manipis ang mukha at hindi marunong magbuhat ng silya.

Subukan n’yong mag-ikot, simulan sa Metro Manila hanggang kasuluk-sulukan ng Luzon, Visayas at Mindanao, walang makikitang tarpaulin ni PNoy sa national road, kabaliktaran sa nakagisnan ng publiko sa mahabang panahon.

Maging sa lahat ng provincial trip, kahit welcome banner, bihirang makitang nakaladlad sa national road at airport, maliban kung sobrang sipsip ang local officials na binisita.

Ganito ang sitwasyon ngayon sa bagong administrasyon -- hindi makapal ang mukha ng mga nakaupo sa pamahalaan at kailanman hindi binubuhat ang sarili para ipaalam sa publiko kung ano ang nagawa sa nagdaang sampung buwang panunungkulan.

Bagama’t inirerespeto ni PNoy ang kalayaan sa pamamahayag at hindi maaring saklawan ang interes ng bawat isa, hindi rin masisisi ng iba’t ibang media organization ang Pa­ngulo kung mag-emote, katulad nangyari sa isang ambush interview sa Iloilo.

Ika nga ni Mang Gusting -- mas madalas pinag-uusapan ang bad news at hindi nabibigyan ng espasyo ang magagandang ginagawa ng Pangulo -- isang rason kung bakit bumaba ang satisfaction ratings ni PNoy sa pag-akala ng publiko na walang ginagawang mabuti ang gobyerno nito.

***

Napag-usapan ang good news -- sa malamang hindi pa rin alam ng publiko na nabawasan ang rice deficit ngayong taon.

Ang 1.3 milyong toneladang bigas na kakulangan sa supply -- ito’y matatakpan sa loob ng tatlong taon dahil itinuwid ng Department of Agriculture (DA) ang ‘liko-likong sistema’ ng irigasyon.

At kahit pa pumasok ang bagyo at tag-tuyot, meron sapat na supply ng pagkain ang publiko, nangangahulugang gaganda ang ani at maayos ang kita ng mga magsasaka sa repormang ipinapatupad ni PNoy.

Sa maikling panahon, marami ang nakasuhan, nahuli ang pumatay sa mga journalist, ipinatigil ni PNoy ang nagmamantikang benipisyo at allowances ng mga big boss sa government and controlled corporation (GOCC’s) kaya’t malaking salapi ang natipid ng gobyerno. Isang malaking kalokohan kung galit kay PNoy ang publiko dahil sa ginawang reporma nito, maliban kung sadyang hindi matanggap ang resulta ng 2010 election kaya’t hindi makapag-move on.

Kahit pagbabali-baliktarin ang sitwasyon, hindi magagalit kay PNoy ang 400 libong pamilyang nabigyan ng financial assistance, sa ilalim ng conditional cash transfer (CCT) fund o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang tanong ng mga kurimaw: Sila ba’y natanong sa survey?

Take note: Napakaraming ‘landmines’ na iniwan kay PNoy at nagkataong hindi makapal ang mukha kaya’t hindi naibabalita ang magagandang ginagawa nito.

Hindi rin siguro galit kay PNoy ang sampung libong nurse na ipakakalat sa bawat baranggay -- isang paraan ng gobyerno para bawasan ang dumaraming nursing graduates o board passers na nakatambay sa bahay at walang mapasukan.

At lalong hindi magagalit kay PNoy ang dalawampung libong pamilyang mabibigyan ng murang pabahay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippines National Police (PNP), aba’y P200.00 lamang ang monthly amortization.

Nakaraang March 31, karagdagang apat na libong trabaho ang ipinangako ng AG&P kay PNoy at prayoridad ang mga nawalan ng trabaho sa bansang Libya subalit iilan lamang ang nakapansin sa magandang balita, katulad din ang pa­ngangailangan ng 20 libong nurse ng isang dayuhang kumpanya.

Kaya’t hindi masisi si PNoy kung mag-emote at maglintanyang, “Kailangan sigurong pakapalin namin ng kaunti (mukha) at purihin naming sarili namin paminsan-minsan.

Para malaman naman ng taumbayan na meron talagang nangyayari”.

Laging tandaan: Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: