Monday, April 18, 2011

‘Di nagbibiro!
REY MARFIL

Sa lumalalang air pollution at climate change, hindi nagbibiro si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa panawagang “i-boykott” at i-report ang lahat ng sasakyang mauusok ang tambutso, mapa-public utility vehicles (PUV) o private vehicles. Kaya’t bago masampolan, tigilan ang pagiging pasaway sa kalsada kada araw at hindi ito kailangan pang pagnilay-nilayan ngayong Semana Santa.

Mismong si PNoy, napansin na madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw kung masilayan sa gabi ang mga bituin sa kalawakan sa nagdaang panahon -- ito’y bunga nang walang habas na pagsira sa kapaligiran, pinakamalupit ang ibinubugang usok ng mga motorsiklo at iba pang uri ng mga sasak­yan. Hindi kailangang tumambay ng EDSA para maaktuhan kung gaano kapasaway ang mga motorista, as in mapapansin pagdungaw pa lamang sa bintana ang usok ng mga sasakyan, aakalain pang hamog sa Baguio at Tagaytay.

Malinaw sa pag-aaral at datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), halos 80% ng polusyon sa Metro Manila -- ito’y kagagawanan ng mga motorista o motor vehicles. Ganito kalala ang polusyon sa kapaligiran, mapa-tubig o hangin at nakakalungkot isiping pinabayaan sa mahabang panahon ng mga “ex-occupants”. Mabuti lang, matapang at walang takot si Manila Mayor Alfredo Lim magpatupad ng batas, ‘di sana nakadagdag pa ngayon sa malaking air pollution problem ang naglipanang kuliglig sa Maynila.

Ang masakit sa lahat, kasapakat ang ilang tiwaling smoke emission testing centers kaya’t hindi nababawasan ang bilang ng mga sasakyang nagbubuga ng makapal na usok, hindi lamang sa National Capital Region bagkus sa iba pang bahagi ng bansa.

Take note: Mismong si PNoy ang nakapansin sa ganitong problema kaya’t hinigpitan ngayon ng Department of Transportation (DOT), sa pamamagitan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapa-rehistro ng mga sasakyan, partikular ang pagko-comply sa Clean Air Act -- ito’y hindi kaka­yanin ni PNoy kung walang kooperasyon ang mamamayan.

Bagama’t bad news ang air pollution, maituturing pa rin good news ang gumagandang pollution index sa Metro Manila, alinsunod sa report ni DENR Sec. Ramon Paje. Kahit papaano, meron pagbabago, hindi man ganun ka-dramatic ang improvement, as in manaka-naka’y nasusulyapan ni RTVM director Lito Nadal ang mga bituin sa kalawakan, hindi dahil naumbag ng asawa kundi lehitimong stars ang nakita.

***

Napag-usapan ang gumagandang pollution index, maraming good news na ginagawa ang pamahalaan, ilan lamang sa mga “patotoo” ang dumaraming puhunang inilalagak sa bansa -- ito’y karagdagang oportunidad sa mamamayan, ka­tulad ang Convergys, isang napakalaking BPO entity sa buong mundo. Kung hindi nagkakamali ang Spy, tinatayang 30 libo ang empleyado ng Convergys at magbubukas bagong limang sites sa Pilipinas, pinaka-latest sa San Lazaro, Manila.

Maliban sa Convergys nangangailangan ng karagdagang 10 libong Pinoy workers, as in 2 libo kada sites, nagpalawak ng operasyon o negosyo ang 7-11 convenience store at Starbucks.

Take note: Tinatayang 50 libong workers mula sa iba’t ibang service categories ang kakailanganin ngayong taon, mapa-BPO o kaya’y construction, isang patunay na malaki ang tiwala ng mga negosyante kay PNoy, mapa-dayuhan o lokal.

Anyway, para makatulong tayong lahat, suportahan ang kampanya ng gobyerno maitala ang Palawan Underground Ri­ver bilang “New Natural Wonders of the World” -- ito’y isang paraan upang lumakas ang turismo at karagdagang oportunidad sa Pilipinas.

Keysa sayangin ang load para manloko ng kapwa at lumikha ng intriga, bakit hindi ipadala ang mensahe sa 2861, sa pamamagitan ng pag-text sa letrang PPUR (2861). Kahit paano, ikaw ay nakatulong sa bayan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: