Wednesday, March 30, 2011

Welcome back!
REY MARFIL

Sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, isinailalim sa preventive suspension ng nakaraang Lunes (March 28) ang lahat ng tiwaling tauhan ng Bureau of Customs (BOC) o ginagawang ‘gatasan’ ang posisyon sa pamahalaan, partikular ang mga isinasangkot sa smuggling at iba pang sinampahan ng reklamo o criminal complaints.

Layunin ng direktiba ni PNoy kay BOC Commissio­ner Lito Alvarez na malinis ang buong ahensya at maibalik ang pagtitiwala ng publiko. Higit sa lahat, maiwasang maimpluwensyahan ang resulta ng ginagawang imbestigasyon sa technical smuggling.

‘Ika nga ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Sonny Coloma -- ito’y isang patotoo kung gaano kaseryoso ang Pangulo sa anti-corruption drive.

Anyway, happy birthday kay Sec. Sonny at mismong si PNoy ang nanguna sa pagkanta ng ‘happy song’ sa cabinet meeting ng nakaraang Lunes.

Sa nagdaang panahon, kasing-kapal ng history books ang smuggling sa BOC -- ito ang malaking rason kung bakit ipinag-utos ni PNoy ang pag-imbestiga sa lahat ng Custom personnel na nagkaroon ng papel sa pagri-release ng mga smuggled products at lantarang nagmamanipula para pagkakitaan ang mga nakukumpiskang kontrabando dahil paulit-ulit lamang ang kuwento sa Port area.

Sa pamamagitan ng Run After Smugglers (RATS) Group, lahat ng BOC personnel na isinasangkot sa technical smuggling at lumabag sa Custom and Tariff Code -- ito’y pinaiimbestigahan ni PNoy; ipagharap ng kaso at ‘pinasusungal­ngal’ ng ebidensya upang tuluyang mawala sa ahensya at hindi pamarisan ng ilan pang nagbabalak gumawa ng kabulastugan.

Damay sa direktiba ni PNoy ang brokers accreditation privilege -- ito’y pinahihimay kay Custom Deputy Commissioner at RATS executive director Gregorio Chavez, kalakip ang kautusang suspendihin ang prebilehiyong ipinagkakaloob, anumang oras masangkot sa technical smuggling o makasuhan ng BOC’s Legal Service.

Sa isinumiteng report ni Chavez sa Malacañang -- isang dosenang tauhan ng BOC, as in labindalawang (12) personnel ang nasampahan ng kaso, kinabibilangan ng operations officers, examiners at document processors -- ito’y nahaharap sa smuggling at corruption cases, sampu ng importers na pinoprotektahan ng mga ito.

Mula July 2010 hanggang kalagitnaan ng March 2011, tatlumpung (30) kaso ang naisampa ng BOC sa Department of Justice (DOJ) -- lahat ng mga ito’y importers at brokers ng mga armas, illegal drugs, high-end cars, heavy equipment, bigas, asukal, sibuyas, bakal, oil products at kung anu-ano pang kontrabando na napag-iisipang ipasok sa Pilipinas.

***

Napag-usapan ang ‘anti-corruption drive’, aminin o hindi ng mga kritiko ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, sampu ng mga kawatan sa nagdaang administrasyon -- sa malamang nanginginig ang kanilang laman sa panahong ito lalo pa’t nakabalik sa Pilipinas at maaaring masampolan kapag nagbalik-sesyon ang Kongreso.

Anyway, malinaw ang mensahe ni Senator Ping -- ‘walang papel’ ang Malacañang sa pagkabasura ng warrant of arrest, maging sa senaryong bahagi ng Impeach Merci ang pagbabalik, ito’y ibinase sa ebidensya ng Court of Appeals (CA).

Mismong senador, hindi maitago ang pagtatampo sa administrasyon, isang patunay na kailanman ay hindi nakikialam si PNoy sa trabaho ng hudikatura at lehislatura, hindi katulad sa nagdaang panahon, hindi ba’t “binaboy” ang lahat ang ahensya para pagtakpan ang kanilang kalokohan?

Hindi biro ang pinagdaanan ni Senator Ping sa loob ng labin­tatlong (13) buwan, aba’y napakahirap mawalay sa pamilya at lalong nakakapagpababa ng moral ang kamuntikang pagkasibak sa trabaho ng mga tauhan.

Ibig sabihin, hindi masisisi ang mambabatas kung resbakan ang mastermind lalo pa’t idinamay ang mga walang kinalaman.

Sa kabuuan, isa ang inyong lingkod sa masaya ngayong ito’y nakabalik ng bansa. Welcome back Sir! Laging tandaan: “Bata n’yo ko at ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: