“All rice” | |
Sa nagdaang panahon, hindi lamang gatasan ang National Food Authority (NFA) kahit walang gatas na ibinibenta kundi naging literal na ‘palabigasan’ ng mga naghaharing kawatan sa gobyerno, patunay ang ‘siksik, liglig at nag-uumapaw’ na pagkakautang -- ito ang pangunahing rason kung bakit nais balasahin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang ahensya, kalakip ang hangaring malinis at magkaroon ng bagong mandato.
Hindi kailangang UP graduate para maintindihang baon sa pagkakautang ang NFA -- ito’y bunga ng walang katapusang importasyon kahit wala nang mapag-imbakang bodega at inaamag ang tone-toneladang bigas na naunang na-import. Ibig sabihin, walang ibang paraan kundi balasahin upang mapabuti ang serbisyo at mabawasan ang pag-angkat ng bigas, matulungan ang local farmers at magkaroon ng sapat na supply sa loob ng dalawang (2) taon.
Ang gustong mangyari ni PNoy, gawing National Food Corporation (NFC) ang ahensyang tinitimon ni Administrator Lito Banayo -- ito’y isa sa dalawampu’t tatlong (23) priority bills ng Palasyo at inilatag sa first meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ng nakaraang Lunes. Ang misyon ni PNoy, tamang supply ng bigas, as in “All Rice”.
Kung bakit kailangang balasahin ang NFA, napakasimple ang sagot ni PNoy -- malinaw ang mandato ng ahensya, walang iba kundi magsilbing tagapangasiwa sa national strategic at tiyaking sakto ang supply ng bansa, as in Hulyo kada taon dapat masiguro ng ahensya ang pangangailangan sa palay at bigas.
***
Napag-usapan ang pagbalasa sa NFA, bago mag-isip ng ‘spin’ ang mga kalabang partido ni PNoy, sampu ng masasagasaang rice smugglers -- hindi mamanahin ng National Food Corporation ang pagkakautang at pananagutan ng lumang ahensya, partikular ang P161 bilyong atraso.
Lingid sa kaalaman ng publiko, sa maikling panahon ng panunungkulan ni PNoy, sa ilalim ng pagtitimon ni Banayo, malaki ang nabawas sa pagkakautang ng NFA -- ito’y naibaba sa P161 bilyon mula P177 bilyon, as in nakapagbayad ng P16 bilyon ang kasalukuyang administrasyon.
Sa simpleng explanation, malinis na magsisimula ang National Food Corporation -- lahat ng ari-arian na hindi kasamang maililipat, ito’y pananatilihin at pangangasiwaan ng kumpanya samantalang ipagbibili at ili-liquidate ng NFA ang mga maiiwang pasilidad.
Sa paglikha ng National Food Corporation, dadagdagan ng ngipin ang batas -- itataas ang multa at kaparusahan sa sinumang magpupuslit ng bigas at ituturing bilang ‘economic sabotage’ -- isang kasalanang ‘non-bailable’ o hindi makakapagpiyansa ang sinumang masasakdal, kahalintulad ng heinous crime.
Maliban sa NFC, itatatag ang Food Development and Regulatory Administration (FDRA) -- ito ang magpapatupad ng regulasyon at developmental functions upang matiyak ang kasapatan sa pagkain at madagdagan ang ani o kita ng local farmers, aba’y puro na lamang import ang ginagawa ng Pilipinas gayong maraming agricultural products ang puwedeng ibenta sa labas ng bansa.
Sa nagtatanong kung ano ang LEDAC -- ito’y nilikha sa bisa ng Republic Act 7640 at pinagtibay noong December 9, 1992, sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ang LEDAC ang nagsisilbing consultative at advisory body ng Pangulo bilang pinuno ng National Economic and Planning Agency. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment