Monday, March 28, 2011

Masasaligan!
REY MARFIL

Sa 32nd Philippine National Police Academy (PNPA) Commencement Exercises nu’ng nakaraang Sabado (March 26) sa Silang, Cavite, malinaw ang mensahe ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa 260-man member ng “Batch Masaligan” -- hindi grado at teoryang napag-aralan sa loob ng akademya ang sukatan o pamantayan ng mabuting pulis bagkus kung ilang buhay ang naisalba at kung naging kapaki-pakinabang sa bayan.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, mahirap ang pinagdaanan ng isang kadete sa loob ng apat (4) na taon bago makuha ang ranggong Inspector, mapa-PNPA o Philippine Military Academy (PMA).

Maliban sa mga pagsusulit na nagpatalas sa isipan ng bawat isa, pinatibay din ng mga pagsubok, katulad ang paggapang sa putikan at pagbibilad sa katirikan ng araw subalit mas maraming pagsubok ang kahaharapin ngayong nakalabas ng eskuwelahan.

‘Ika nga ni PNoy -- “Walang binatbat ang mga teoryang natutuhan sa mga realidad paglabas ng akademya. Sa pagsabak sa lipunan, hindi mababang grado o demerit ang kapalit ng pagkakamali.

Ang bawat kababayang ipagtatanggol laban sa krimen, ililigtas sa sunog, babantayan sa loob ng mga piitan -- ito’y hindi mapapantayan ng anumang pabuya o medalya. Higit sa lahat, hindi matutumbasan ng grado ang buhay na maisasalba.”

Simple arithmetic at “mala-Claro M. Recto” sa linaw ang mensahe ni PNoy sa graduation rites -- maliban sa dunong at talinong ibinahagi sa PNPA, kakailanganin ng bagong Police Inspector, Fire Inspector at Jail Inspector ang prinsipyo para labanan ang katiwalian at kahirapan sa lipunan.

Isang mala­king kalokohan kung hindi mahaharap sa senaryong susuhulan ng saku-sakong pera ang mga bagong PNPA graduates -- dito masusubok ang katapatan at karangalan ng bawat isa.

Maraming tukso sa labas ng akademya kaya’t umaasa si PNoy -- hindi magpapatalo at masasaligan ang “Batch Masaligan” ngayong nasa posisyon para ituwid ang ‘bali-balikong daan’ na nakagisnan.

Hindi kaila sa nakakarami kung paano nabalutan ng putik ang imahe ng kapulisan sa nagdaang panahon.

Take note: mismong si PNoy ay prangkahang ipinabatid sa PNPA graduates ang malaking hamong kinahaharap at ipinangakong hindi magiging “Kawawang Cowboy” ang kapulisan sa kanyang administrasyon -- “Na merong baril, walang bala at hikain ang kabayong dala.”

***

Napag-usapan ang PNP, itinuwid ni PNoy ang maling impresyon ng publiko sa kapulisan, sa ilalim ng kanyang administrasyon -- ito aniya’y nagbabagong-bihis at epektibo ang repormang ipinapatupad, patunay ang maraming accomplishment na naitala subalit hindi nabibigyan ng tamang espasyo o naibabalita.

Bagama’t hindi maiaalis ang “pagkapit sa patalim” ng ilang pulis, walang rason upang masangkot sa katiwalian lalo pa’t tinutugunan ni PNoy ang pangangailangan, mapa-umento at benepisyo, pinaka-latest ang murang pabahay na nagkakahalaga ng P200.00 kada buwan, ‘di hamak na napakalayo sa P3 libo hanggang P18 libong monthly amortization na inu-offer ng mga ahente ng iba’t ibang real estate company na nagkalat sa loob ng mga department store at kumakaway sa tabi ng kalsada.

Aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy, sampu ng mga pulitikong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections at loyalista ng ilang talunang presidentiables, maraming repormang nagawa ang PNP sa nagdang sampung (10) buwan dangan lamang hindi napapansin dahil mas pinahahalagahan ang “bad news” at paglikha ng intriga para mai­tulak ang pansariling interes sa pamahalaan.

Dahil sa reporma, naibaba ng PNP ang carnapping sa hu­ling bahagi ng taong 2010 -- mula 500 kaso, ito’y 200 kaso sa first quarter ng taong kasalukuyan.

Hindi lang iyan, kaagad ding nabigyang-linaw ang pagpatay kay Marlina Su­mera Flores (dzME anchor); naresolba ang tatlo (3) pang media killings -- pamamaslang kina Gerardo Ortega, Jose Daguio at Miguel Belen, hindi ba’t natukoy at nahuli ang mga may-sala dahil sa sipag at dedikasyon ng kapulisan, maliban kung bulag at bingi ang mga kurimaw?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: