Monday, March 21, 2011

Maling gawa!
REY MARFIL

Apat (4) sa limang (5) lalawigang sakop ng Auto­nomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pu­mabor sa pagpapaliban ng eleksyon ngayong August 8 -- ito’y malinaw sa nilagdaan at isinumiteng manifesto nina Sulu Governor Abdusakur Tan, Tawi-Tawi Governor Sadikula Sahali, Manguindanao Governor Esmail Ma­ngudadato at Basilan Governor Jum Akbar.

Ang gustong mangyari ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, isabay sa 2013 mid-term national elections ang ARMM election, kalakip ang layuning mabago ang masamang imahe ng mga taga-Mindanao, katulad ang pagiging sentro ng dayaan tuwing eleksyon at magkaroon ng katuparan ang awtonomiya -- ito’y nakapaloob sa iba’t ibang manifesto na nilagdaan ng provincial at municipal executives.

Hindi lamang provincial governors at municipal exe­cutives ang pumabor sa postponement ng ARMM election, ganito rin ang nilalaman sa manifesto ng iba’t ibang organisasyon, civil society at Moro National Liberation Front (MNLF) -- ito’y humihingi ng intervention ni PNoy at ipatupad ang genuine autonomy sa ARMM, kabilang ang suhestyong ibasura ang “hold-over status” sa lahat ng incumbent officials, as in magtalaga ng Acting Go­vernor hanggang Regional Legislative Council.

Binubuo ng limang (5) lalawigan at isang lungsod ang ARMM -- Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao, Lanao Del Sur at Marawi City. Kung hindi nagkakamali ang Spy, walong (8) beses na-postpone ang ARMM election at tanging halalan noong 2008 ang natuloy sa itinakdang petsa.

‘Ika nga ng mga kurimaw: simple arithmetic kung bakit kailangang ipagpaliban ang ARMM election -- magkakaroon ng sapat na panahon at pakakataong makalikha ng mekanismo para maipatupad ang reporma, simula August 2011 hanggang May 2013.

Sa kaalaman ng publiko, bago pa man inilatag ang postponement ng ARMM election -- ito’y naunang napagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na ipinatawag ni PNoy kaya’t walang nakikitang rason ang mga kurimaw upang madiskaril ito. Take note: saksi ang mga lider ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso, kabilang ang minority at majority bloc dito.

***

Napag-usapan ang pagbabago at reporma, ibinalik ni PNoy sa Department of Justice (DOJ) ang hurisdiksyon sa Land Registration Authority (LRA) -- ang ahensyang nangangasiwa sa pagpaparehistro ng mga lupa, isang patunay kung gaano kaseryoso ang Pangulo sa ‘daang matuwid’ lalo pa’t ‘nagsali-saliwa’ ang job description ng iba’t ibang ahensya, animo’y ‘bitukang manok’ na nagkalat.

Noong December 2007, inilipat ni Mrs. Gloria Arroyo sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang LRA, sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 690.

At nakaraang March 14, 2011, pinawalang-bisa ni PNoy ang kautusan ni Mrs. Arroyo at ibinalik sa DOJ ang ahensya, maging Registries of Deeds sa buong bansa, gamit ang Executive Order (EO) No. 30 dahil “ang maling ginagawa ng mga matatanda, ito’y nagiging tama sa mata ng mga bata.”

‘Ika nga ni Executive Secretary Jojo Ochoa -- “Ang hakbanging ito’y naaayon sa hangarin ng administrasyong Aquino na ‘magkaroon at maipatupad ang isang pamahalaang nakikinig at higit na may kakayahan’ sa pamamagitan ng maayos na pagsasama-sama ng mga ahensyang magkakaugnay ang gawain.”

Take note: kung kasanayan at kakayahan ang pag-uusapan, mas mabisa at epektibo ang LRA sa ilalim ng DOJ lalo pa’t batas ang nagsasalita sa bawat pagpaparehistro o paghahabol ng lupa, mapa-paso o isang dakot ang pag-aaring lupa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: