Monday, March 14, 2011

March 14, 2011

Walang pogi points!
REY MARFIL
March 14, 2011
Kung popularidad lamang ang target ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, hindi kailangan pang i-suggest ang suspension sa expanded value added tax (EVAT) na ipinapataw ng gobyerno sa petroleum products at sa malamang headlines ang ‘pa-pogi points’ nito.

Malinaw ang paninindigan ni PNoy -- ito’y pumalag sa mungkahing pansamantalang suspendihin ang pagpapataw ng EVAT sa petroleum products upang gumaan ang epekto ng lingguhang pagtaas sa halaga ng langis ngayong nahaharap sa krisis ang ilang bansa sa Middle East -- ang pangunahing pinagkukunan ng oil supplies.

Walang tuwirang benepisyo ang suspension sa EVAT na ipinapataw sa petroleum products bagkus makakasama lalo pa’t papasanin ng gobyerno ang lahat ng responsibilidad, as in lolobo ang budget deficit o kakulangan sa pondo.

Walang pinag-iba sa isang TV ads ang kalalabasan ng suspension sa EVAT -- “kapag nagkasakit, lahat ng perang naitatago, ito’y nailalabas”. Ibig sabihin: ang salaping nakalaan sa mahahalagang programa at proyekto, ito’y masasakripisyo.

Sa kuwenta ni PNoy, humigit-kumulang P5 bilyong buwis ang mawawala sa kaban ng bayan kapag sinuspendi ang EVAT sa petroleum products -- isang napakalaking kawalan lalo pa’t libu-libong classroom at eskuwelahan ang kailangang ipatayo ng pamahalaan ngayong lugmok sa pagkakautang ang bansa, hindi pa kasali ang matinding katiwaliang minana.

Saan kukuha ng pasahod sa bagong guro, itatayong ospital, tulay, kalsada at iba pang mahahalagang imprastraktura, alangang puro kuwento lang?

Hindi lang iyan, asahang bagsak din ang credit ratings ng Pilipinas sa Standard and Poor’s Moody’s -- isa sa mga credit watchdog ang nagsabing ‘hindi wastong hakbang sa pananalapi ang suspension ng oil EVAT’.

Ang paniwala ni PNoy: artificial solution ang EVAT suspension dahil mas lalong lalakas ang konsumo sa langis at walang pagtitipid o pasintabi sa paggamit ng mga sasakyan.

Siyempre, masarap kapag libre!

Ang isa sa nakikitang solusyon ni PNoy ang paggamit ng alternatibong enerhiya at masigurong sapat ang supply ng langis sa loob ng animnapung (60) araw o sakto sa dalawang (2) buwan ang buffer stock lalo pa’t ginagawang palusot ng oil companies ang biglaang paggalaw ng presyo sa world market tuwing nagtataas.

***

Napag-usapan ang budget, may kabuuang P13 bilyon ang inilaang pondo ng gobyerno o standby funds ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para gamitin sa repatriation o paglilikas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa Middle East, alinsunod sa deklarasyon ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad.

Sa simpleng explanation, hindi kailangan pang ga­wing isyu ang paghingi ng karagdagang pondo ng OWWA, katulad ang alegasyong P200 milyon ang natitira sa P500 milyong naibigay.

Bagama’t mas piniling manatili sa Saudi Arabia at Libya ng maraming Pinoy nurse, hindi binabawi ni PNoy ang alok na ilikas at iuuwi ng Pilipinas ang mga ito, as in naka-standby lamang ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa magiging desisyon.

Anyway, tumatanggap ngayon ng electronic passport (ePassport) applicant ang Philippine Consulate General sa Shanghai -- ito’y binuksan ng nakaraang March 9 at kauna-unahang aplikante -- Ms. Stephanie Ante, isang Physical Education Teacher sa Concordia International School Shanghai.

Lahat ng mga Pinoy sa Shanghai at iba pang probinsya, katulad ng Anhui, Hubei, Jiangsu at Zhejiang, maaaring mag-file ng ePassport applications sa Consulate General. Laging tandaan:

“Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: