Walang bait sa sarili! | |
REY MARFIL marcg 16, 2011 Sa gitna ng kalamidad at trahedyang naranasan ng mga taga-Japan, nakakalungkot isiping pinaglalaruan ng ilan nating kababayan ang sitwasyon, katulad ang pagpapakalat ng ‘text scare’ sa pagsabog ng nuclear plant -- ito’y hindi lamang masamang biro lalo pa’t nakakadagdag sa problemang kinakaharap ng mga kalapit-bansa nito. Ilang unibersidad at eskwelahan ang nagsuspinde ng klase, isang patunay kung gaano kalupit ang epekto ng nuke plant explosion sa Japan -- ito’y pinaniwalaan ng mga estudyante at magulang kahit walang babala o anunsyong inilalabas ang pamahalaan. Sana’y hindi tamaan ng skin disease ang mastermind ng malisyosong text brigade. Dalawang bagay lamang ang nakikita ng mga kurimaw sa pagkalat ng “text scare” -- ito’y maaaring kagagawan ng mga kalaban ni Pangulong Noynoy Aquino na gustong guluhin ang gobyerno o kaya’y gustong pagkakitaan ang pananakot, aba’y multi-milyon piso ang ganansya kapag marami ang nauto sa “please pass scenario” na nakasulat sa dulo ng mensaheng natanggap nito. Hindi maitatangging “gumagalaw” ang mga kalaban ni PNoy lalo pa’t walang bahong mahalukay sa kanyang administrasyon at pawang “nakaraan” ang nababalikan sa Kongreso, mapa-plea bargaining agreement hanggang “pasalubong at pabaon”. Ang duda ni Mang Gusting, hindi pa rin ‘makapag-move on’ sa resulta ng eleksyon ang ilang grupo at gusto pang makabalik sa poder kaya’t nanggugulo. *** Napag-usapan ang nuclear plant explosion, walang dapat ipangamba ang publiko sa “acid rain scare” na ipinakalat sa text. Mismong Department of Science and Technology (DOST) ang nagsabing isang malaking kalokohan ang pangambang aabot sa Pilipinas ang radiation. Ang madalas ipangaral ng mga matatanda “ang taong naniniwala sa mga sabi-sabi, ito’y walang bait sa sarili”. Ano kaya ang tawag sa nagpakalat ng text scare kung kahit utak-biya, hindi puwedeng i-address? Maliban sa DOST, inilatag ng Office of Civil Defense (OCD) ang National Radiological Emergency and Preparedness Plan bilang tugon sa nuclear meltdown, kinabibilangan ng Philippine Nuclear Institute at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) -- ito ang magpapatupad ng preparedness plan. Ang masakit lamang na katotohanan sa sinumang proponent ng nuclear power plant sa Pilipinas, posibleng mapurnada ang reactivation ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Sa kabuuan, hindi acid rain o radiation sa nuclear plant explosion ang malaking problemang kinakaharap ng mga kalapit-bansa, katulad ng mga pananakot sa text ng mga taong walang magawa sa buhay bagkus ang masamang epekto ng lindol at tsunami sa mga tinaguriang ‘third world country’, katulad ng Pilipinas lalo pa’t napakalaking donasyon ang tinatanggap mula sa pamahalaang Japan. Dahil bagsak ang ilang parte ng Japan, napaka-imposibleng maglabas ng pondo para tulungan ang mga kalapit-bansang naghihikahos at walang pampagawa ng kalsada, tulay at eskuwelahan. Ibig sabihin, huwag ikagulat ng publiko kung suspendihin ang lahat ng development projects sa ating bansa. Alangang unahin ni Prime Minister Naoto ang Pilipinas gayong kailangang bumangon ng Sendai? Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Wednesday, March 16, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment