Panis ang 24 floor! | |
REY MARFIL March 11, 2011 SINGAPORE --- Mula Indonesia, kaagad sumabak si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino sa trabaho -- pagkalapag ng Changi International Airport noong Miyerkules, alas-4:30 ng hapon isang tour sa Changi Water Reclamation Plant ang iskedyul ng Pangulo, kasunod ang pakikipagkita sa mga miyembro ng Philippine Bayanihan Society Board at pakikipag-meeting sa Filipino community -- ito’y ginanap sa RELC International Hotel. Bumilib kay PNoy ang buong staff at pamunuan ng Changi Water Reclamation Plant matapos maghagdan ang Pangulo mula 1st floor hanggang 24th floor dahil nasira ang elevator -- ito ang banner photo at front story ng Straits Times kahapon (Huwebes) dito kung saan humanga ang mga Singaporean at hiyang-hiya sa nangyari, kabilang ang katakut-takot na paghingi ng “sorry” sa Pangulo. Mismong si PNoy ang nagbigay ng suhestyong maghagdan keysa hintaying maayos o makumpuni ang elevator. Na-impress ang Singaporean sa ipinakitang pag-uugali ng Pangulo -- itoy nakangiting naglakad, hindi maarte at hindi nakitaan ng anumang galit sa katawan. Higit sa lahat, physically fit ang Pangulo -- isang patunay na epektibo ang pagba-bike nito. Maliban sa Singaporean security at Presidential Security Group (PSG), sumabay kay PNoy maghagdan sina Presidential Communication Operations Office (PCOO) Sec Sonny Coloma, Finance (DOF) Sec Cesar Purisima, Trade (DTI) Sec Gregory Domingo, Energy (DOE) Sec Jose Almendras at Foreign Affairs (DFA) Sec Albert Del Rosario, as in “pinanis” ang 24th floor. Take note: 71 years old si Sec Del Rosario at hindi man lamang pinagpawisan si Sec Almendras. Bago naghagdan, sinalubong si PNoy sa Changi International Airport nina Singapore Minister Lim Swee, pinuno ng National Trade Union Congress; Ambassador Lim Cheng, Head Protocol; at Philippine Ambassador Minda Calaguian-Cruz, sampu ng Philippine Embassy Officials. Naunang dumating sa Singapore ang 25-man media delegation noong Miyerkules (2:30 p.m.) habang si PNoy, alas-4:30 ng hapon. Bago tumulak ng Singapore para sa 2-day state visit, ilang grupo ng Indonesian businessmen ang nakaharap ni PNoy sa Jakarta, simula alas-9:00 ng umaga hanggang tanghali. Sa ikalawang araw ng state visit, binigyan si PNoy ng arrival honors sa Istana, alas-11:00 kahapon, kasunod ang courtesy call kina President S.R. Nathan sa 2nd floor ng West Drawing Room (Istana) at Prime Minister Lee Hsien Loong sa East Drawing Room. Isang lunch ang inisponsoran ni Prime Minister Loong -- ito’y naunang nakasama ni PNoy sa ASEAN summit (Vietnam) at APEC summit (Japan) noong nakaraang taon. Katulad ng nakaugalian sa nagdaang foreign trip, isang interaction sa Philippine media delegation ang ibinigay ni PNoy kagabi -- dito tinapos ng Pangulo ang ikalawang araw ng state visit sa Singapore. Ngayong araw, kasabay ang pagtatapos ng state visit, makakaharap ni PNoy ang iba’t ibang negosyante sa Singapore Business Forum. *** Napag-usapan ang Singapore, lingid sa kaalaman ng sambayanang Filipino, may kabuuang 177 libo ang Pinoy ang nagkalat dito, kinabibilangan ng 44 libong permanent migrants at 85 libong temporary migrants. Ang nakakalungkot, humigit kumulang 50 libo ang irregular o undocumented migrants. Bagama’t tinatayang 71 libo ang nagtatrabaho bilang domestic helpers, dumarami ang napapasok sa IT/computer programmers at analyst -- ito’y humigit-kumulang 25 libo at 18 libo ang engineers; 13 libo ang architect/draftsman; 12,200 ang nurse/healthcare assistant o nursing aides. Hindi lang iyan, humigit-kumulang 6 libo ang nagtatrabaho bilang aircraft technicians at mekaniko; 2,200 ang steward at stewardess sa cruise vessels; 13 libo nasa service sector; 6 libo ang nagsasanay o trainees sa hotel and restaurant management (HRM), 1,200 ang musicians at entertainers. Ang nakakabilib, walong libong Pinoy ang top executives sa Singapore, as in nagtatrabaho bilang managers ng kumpanya, hotel o kaya’y bank executives -- isang patunay kung gaano kahusay at katalino ang mga Pinoy. Ibig sabihin, kahit sino pang Pontio Pilato ang iharap, mapa-kurbata ang trabaho o paglilinis ng pinggan -- ito’y kayang tapatan ng isang Pinoy. Sa kabatiran ng lahat, napakaliit ng Singapore -- ito’y binubuo lamang ng 699.4 square kilometers at meron limang milyong populasyon, kinabibilangan ng Chinese (76.8%); Malay (13.9%); Indian (7.9%) at 1.4% ang nasa kategoryang other ethnic group. Hindi rin kaila sa buong mundo, maging sa isang developing country kung gaano kaunlad ang Singapore subalit hindi pa huli ang lahat upang makamtan ang tagumpay lalo pa’t matuwid ang nagtitimon sa Pilipinas ngayon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Friday, March 11, 2011
Panis ang 24 floor!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment