Ang resbak ng kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- ito’y nangopya ng ‘financial blueprint’ at iisa ang laman ng 2011 national budget, aba’y kailan pa naging pag-aari ng mga ‘ex-President’ ang General Appropriations Act (GAA)? At saan aber, huhugot ng pagbabatayan ang ‘present occupant’, alangan sa mangodigo sa proposed budget ng Amerika o kaya’y China?
Hindi lang iyan, ginagawang ‘malaking isyu’ ng ilang kritiko ang pag-veto ni PNoy sa ‘debt cap’ gayong sinamantala lamang ng Pangulo ang pagkakataon lalo pa’t masigla ang merkado at makinabang ang gobyerno sa positibong pananaw ng mga local at foreign investors. At malaking kalokohan kung ibi-veto ang debt cap, sa panahong bagsak ang piso kontra dolyar.
Kahit balikan ang history book -- ito’y NABABASA at NASUSULAT, simula noong panahon ni Pangulong Elpidio Quirino noong dekada 50’s -- malaking isyu ang debt cap. Take note: wala pang Facebook at Friendster sa panahon ni Quirino subalit iisa pa rin ang problema sa debt cap, walang pinagkaiba sa jueteng at topada, maliban kung ‘iskul-bukol’ kaya’t nakaligtaan ang kasaysayan.
Maging sa ilalim ng diktaturyang rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos, isang ‘hot issue’ ang debt cap kaya’t inalis ang Debt Cap Law, sa pamamagitan ng Executive Order -- ito’y sa panahon ng Martial Law. Maging sa panahon ni Pangulong Corazon ‘Tita Cory’ Aquino, kapareho ang isyung kinukuwestyon ng mga kritiko ni PNoy, as in recycled -- ito’y hindi naman ‘vintage car’ upang gawing modelo?
***
Napag-usapan ang debt cap, isang rason kung bakit napapanahon ang pag-veto ni PNoy dahil pasulong ang ekonomiya ng Pilipinas, patunay ang paglawak ng ‘international relationship management firm’, aba’y subukan mamasyal ng mga kritiko sa España o kaya’y University belt, hindi ba’t nagkalat ang call centers.
Sa San Lazaro, karagdagang 20 libong trabaho ang ibinigay ng Convergys sa mga Pilipino -- isang ‘patotoo’ na nabawasan ang unemployment rate at underemployment sa ilalim ng Aquino administration, maliban kung patuloy nagbubulag-bulagan sa pagbabago at hindi makalimutan ang mga nakasanayang ‘perks’ sa nagdaang 9-taon.
At seryoso si PNoy sa paghulma ng mga bagong ‘record’ kaya’t magiging busy si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Butch Abad sa paghahanda ng 2012 proposed budget kahit kapapasok pa lamang ng taong 2011 -- ito’y upang masigurong maayos ang paggasta ng bawat sentimo at hindi masira ang naitalang record.
Mantakin n’yo, 11-taong reenacted budget ang ginagasta ng gobyerno kaya’t kaliwa’t kanan ang ‘tagas’ sa pondo at kung sinu-sinong Pontio Pilato ang yumaman sa puwesto -- ito’y nagiging malaking ‘pork barrel’, sinuman ang nakaupo sa palasyo lalo pa’t meron naunang napaglaanan ng pondo.
Kaya’t ngayong buwan, inihahanda ni Abad ang “First Budget Call” upang maisumite ang 2012 proposed budget, isang araw makalipas ang “Ulat sa Bayan” ni PNoy -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan buwan ng Abril o Mayo nagsusumite ang palasyo. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)