Isang malaking karangalan ang mapabilang sa hanay ng mga personalidad na nagsulat sa coffee table book ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na magiging bahagi ng ating kasaysayan -- ang “The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency”, kaya’t ipinagpapasalamat ng inyong lingkod kay Tita Maria Montelibano (publisher) ang pambihirang pagkakataong ito. Narito ang unang bahagi ng mga mahahalagang pangyayari at kaganapan sa nakaraang eleksyon at kung paano umusbong ang “Noynoy’s Magic” -- ito’y base sa mata ng isang dating reporter (Abante/TONITE) na nag-cover sa Upper House at presidential campaign ni PNoy. PNoy Rock Star! Mula sa pagiging mahiyain at ‘no pansin’ ng media, maliban sa nakagisnang katropa, mapa-session hall o kaya’y sa labas ng Batasan at GSIS compound, nagbago ang lahat sa buhay ni Pangulong Benigno Simeon ‘PNoy’ Aquino III sa nakaraang kampanya dahil naging ‘mala-rock star’ ang arrive -- ito’y pinagkakaguluhan, mapa-senior citizens na tumatamasa sa 20% discount, hanggang ‘Kindergarten 1’. Kung sa pelikula, blockbuster sa takilya ang bawat campaign sortie ni PNoy, walang pakialam o ‘deadma’ ang tao kahit walang artistang kumakanta at sumasayaw. Gaano man kahaba ang oras ng paghihintay at nagmukhang daing sa tindi ng sikat ng araw, hindi alintana ang pagod at hirap basta’t makakurot at masilayan ang maamo nitong mukha. Sa panahon ng kampanya, naging simbolo ni PNoy ang ‘Laban sign’ na pinasikat ni dating Pangulong Corazon ‘Tita Cory’ Aquino noong EDSA 1. Kung saan kapag itinaas ni PNoy ang kanyang kamay at nag-Laban sign, isang batubalani (magnet) na hinihigop ang kamalayan ng madla, lahat ay sumusunod at sumisigaw ng “Noynoy, Noynoy!”, mapa-estero, entablado o gitna ng kalsada. Naging ‘campaign costume’ ni PNoy ang yellow polo shirt na may kulay itim na ribbon sa kaliwang bahagi ng dibdib bilang tanda ng pagdadalamhati sa namapayang ina at black polo shirt na merong yellow ribbon -- ito’y simbolo sa laban ng mga magulang. ‘Ang Matuwid na Daan’ naman ang ‘favorite line’ ni PNoy sa harap ng audience subalit pinakamabenta ang ‘duster shirt’ sa campaign sorties. Duster shirt dahil ang litanya ni PNoy: ‘Sakto sa umaga ang size ng polo shirt subalit pagdating ng gabi, ito’y malaking duster na sa dami ng taong humahatak sa kanyang damit’. Ang pagka-convert sa duster ng polo shirt ang isa sa pangkiliti ni PNoy sa supporters. Kapag narinig ang kuwento sa duster, hagalpakan sa tawa ang audience. Kahit embedded media o nagku-cover sa ‘Noy-Mar team’ ay natatawa pa rin kahit daang beses nang narinig ang kanyang script. Abangan sa Biyernes ang huling bahagi ng “PNoy Rock Star” -- ito’y NASUSULAT at NABABASA sa ‘The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency’. Laging tandaan: Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo’. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment