Noong December 17, inilunsad ang ‘coffee table book’ ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- ito’y naglalarawan sa tunay na kaganapan, simula ng namayapa ang inang si dating Pangulong Corazon Aquino hanggang tumakbo sa presidential elections at makarating sa palasyo. Katulad ng mga eksena sa nakaraang eleksyon, mapa-coliseum o kaya’y palengke tour, naging ‘dagat ng dilaw’ ang Ninoy Aquino Stadium dahil dumagsa ang libu-libong supporters ni PNoy upang saksihan ang launching ng ‘The Inaugural Book: The Inside Story of Aquino Presidency’ -- ang 181-page na librong naglalarawan kung paano narating ni PNoy ang rurok ng tagumpay sa pulitika. Ang The Inaugural Book, inilathala ni Maria Montelibano, communications chief ni PNoy sa nakaraang presidential campaign at mas kilalang “Tita Maria” ng mga katrabaho -- ito’y kilalang stage director, producer at dating direktor ng Presidential Broadcast Staff (PBS) sa panahon ni Tita Cory. Napakahalaga ng libro -- ito’y isang dokumento ng pambihirang kapalaran ng batang Aquino -- isang taong kailanma’y hindi nangarap maging tagapagmana sa samu’t-saring problema ng mga Pilipino subalit nanumpa bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas. Katulad ni PNoy, napakasimple ng mensahe ni Tita Maria sa launching ng coffee table book-- ito’y napakahalaga lalo pa’t bahagi ng kasaysayan ang bawat litrato na naglalarawan kung paano tinahak ng isa pang Aquino ang landas ng pagka-Pangulo at walang katulad na tagumpay ni PNoy. *** Napag-uusapan ang The Inaugural Book, aminin o hindi ng mga kritiko ni PNoy -- ito’y ‘one of a kind’ sa Pilipinas at kahit ilan pang history book ni Gregorio Zaide ang halungkatin, walang makakapantay sa record -- naging instrumento ang mga magulang (Ninoy at Cory) upang mapalaya sa diktaduryang rehimeng Marcos. Sa nagdaang siyam na taon, napuno ng eskandalo ang gobyerno at nagsilbing ‘ilaw’ si PNoy upang makaalpas ang sambayanang Pilipino, maliban kung nakalimutan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang multi-bilyong pisong fertilizer scandal at sangkaterbang Senate inquiry. Never mind ang Hello Garci dahil hindi na mababawi ang anim na taon. Kaya’t napakahalaga ang inaugural book -- dito nakadetalye ang mga kaganapan sa nakaraang eleksyon. Ang 181-page coffee table book -- ito’y naglalaman ng 100 larawang kuha ng mga kinikilalang photogprapher -- sina Teodoro “Ted” Aljibe, (Agence France Presse); Erik De Castro (Reuters); Alberto “Bullit” Marquez (veteran photojournalist); Dennis Sabangan (European Pressphoto Agency) at Jay Morales (chief Presidential Photographers Division at close-in photographer ni PNoy). Kung merong photographer, hindi makukumpleto ang libro kung walang writer at isa ang inyong lingkod sa contributor at nagsulat ng mga ‘symbols’, kasama ang mga beteranong manunulat at kilalang personalidad -- sina Billy Esposo (Star) Joanne Ramirez (Star), Conrad de Quiros (Inquirer), Antonio Meloto (Gawad Kalinga), Atty. Alex Lacson, Usec. George Syliangco, Usec. Chris Tio, Cesar Sarino, Jan Co-Chua, Ward Luarca, Jing Magsaysay at Secretary Sonny Coloma Jr. At siyempre -- si Boss Lynette Baldivino -- ang isa sa nagpakahirap sa media handling ni PNoy sa nakaraang presidential elections, as in ‘small but terrible’. May kamahalan ang libro kaya’t abangan niyo sa Miyerkules ang konting kontribusyon ng inyong lingkod sa coffee table book ni PNoy. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment