Kahit anong uri ng pang-iintriga ang pakawalan ng mga kritiko, hindi maitatangging gumanda ang imahe ng Pilipinas sa international community at bumuti ang ekonomiya sa maikling panahon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III -- hindi kailangan ang expertise ng mga alagang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ni Gus Abelgas upang makitang umangat ng 1.2% ang local stocks sa huling yugto ng taon. Ang usapin ng kidnapping sa Basilan -- ito’y na-handle ng maayos ng gobyerno, patunay ang mabilis na aksyon upang mapalaya ang sampu sa labing-dalawang villagers na dinukot ng nakaraang linggo, maging ang pagsasampa ng tax evasion case ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa tatlong ex-MWSS governing board members, maimpluwensiyang nilalang sa nagdaang administrasyon at ilan pang personalidad na hindi nagbabayad ng tamang buwis. Ngayong Kapaskuhan, inaasahang mababawasan ang trapiko sa kahabaan ng EDSA, alinsunod sa ‘Christmas lane’ na ipinapatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Higit sa lahat, nagkaroon ng ceasefire sa pagitan ng gobyerno at New People’s Army (NPA) -- ito’y magtatagal ng labing-walong araw, simula Disyembre 16 hanggang Enero 3 -- pinakamahaba sa loob ng 10 taon. Maliban sa 18-day ceasefire at Suspension of Military Operations (SOMO), pinayagan ni PNoy na makauwi si National Democratic Front (NDF) founding chairman Luis Jalandoni at noong nakaraang Sabado, ito’y nakatapak sa Pilipinas matapos alisin ang hold departure order (HDO) -- isang patunay kung gaano kaseryoso si PNoy sa peace talks. Kaya’t ‘mapapa-blow’ ng candle si GRP peace panel chair Alex Padilla sa breakthrough. *** Bago mag-weekend, isang panibagong ‘good news’ ang bumandera sa pahayagan -- inokupahan ng Pilipinas ang No. 1 spot sa business process outsourcing (BPO) industry, as in ‘iniwanan sa kamotehan’ ang bansang India na matagal ng namamayagpag sa karera -- ito’y kinapos ng 20,000 empleyado para mapanatili ang korona sa BPO industry, simula ng ilunsad noong 2001 sa Pilipinas. Sa kaalaman ng publiko, nakapako sa No. 2 spot ang Pilipinas sa BPO industry at siyam na taong nakabuntot sa India, subalit sa maikling limang buwan ni PNoy, nakapagtala ng 350,000 strong Filipino workforce sa call centers kumpara sa 330,000 ng India -- isang pagpapatunay kung gaano kalaki ang kumpiyansa at pagtitiwala ng mga foreign investors sa Aquino administration. Bilang aksyon upang mapanatili ang kumpiyansa sa gobyerno, mas lalo pang pag-iibayuhin ng Aquino administration ang pagsugpo sa ‘red tape’ at pagiging transparent sa lahat ng transaksyon, kabaliktaran sa nagdaang 9 na taon. Isang paunang aksyon ang pagbibigay ng sapat na kasanayan sa mag-aaral ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Education (DepEd) -- ang tamang pagtuturo ng wikang Ingles. *** Napag-uusapan si PNoy, mismong ‘women’s group’, sa pangunguna ni Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan ang nagsabing ‘walang masama’ kung ma-link sa iba’t ibang bebot ang Pangulo -- ito’y isang binata at walang pananagutan, maliban sa ‘Inang Bayan’ na pinakasalan sa loob ng anim na taon. Ibig sabihin, walang nilalabag na batas at hindi rin ‘impeachable offense’ ang makitang nakikipag-date sa resto. Kaya’t mas makakabuting ibalato kay PNoy ang usaping ‘love life’ lalo pa’t hindi papangarapin ng sinumang nilalang ang “Blue Christmas” ngayong taon. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
No comments:
Post a Comment