Friday, December 24, 2010

December 24, 2010

Mukha nina Waldrof at Barjer!
Rey Marfil


New York City, USA --- Maayos ang ekonomiya ng bansa ngayon, “mala-kalabaw”, as in “Bullish” ang merkado sa wika ng mga stock analysts sa Philippine Stock Exchange (PSE). At meron pang nagsasabing “All time high!”
Sa tuwa ng mga ito, inim­bitahan pa ang Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at ipinaalingawngaw ang batingaw sa PSE noong nakaraang linggo. Ang mala­king kaibahan nito sa nakalipas na 9 na taon -- angat sa tiwala ng taumbayan si PNoy.
Noon, sadsad at malalim pa sa gutter ang tiwala ng bayan sa nakaupo. Ngayon 80% pa rin ang pigura para kay PNoy. Maliban dito, halos lahat ng mga polisiya’t programang inihain ng Pa­ngulo sa mga Filipino ay suportado ng buung-buo -- ito ang mga nakasaad sa resulta ng survey na kinumisyon ng isang peryodiko.
Pero ‘di pa inilalabas, pinag-aaralan pa raw ng bossing nila. Pinag-aaralan ba o ‘di na ilalabas? Noong Miyerkules na lamang, pumalo sa pinakamataas na antas ang piso, aba’y P43.88 na lang ang katapat na piso sa bawat dolyar ngayon. Pinakamataas na halaga ng piso sa loob ng dalawang taon.
Malungkot man itong ba­lita para sa mga kababayan nating umaasa sa mga kamag-anak na nasa abroad, ito’y sen­yales naman na bumubuti ang ekonomiya. Indikasyon din ito sa tiwalang iniaatang ng local business community at foreign investors, as in upbeat at optimistic ngayon ang pagtingin sa galaw ng piso at sa ekonomiya.
***
Mas tataas pa ang mga nasabi nating mga pigura kapag nakabalik na ang tropa ni PNoy mula sa “Byaheng Tuwid” dito sa Amerika. Tingnan n’yo na lamang ang lakad ng “Tropang PNoy” dito sa Big Apple, aba’y mala-kurbata na ang mga dila ng mga kasamahan naming reporters sa pag-cover, as in hindi lang “lagareng hapon” kundi mala-chainsaw ang ginawa ng Pangulo kahapon para “ibenta” ang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagha­hanap ng investors.
Umaga pa lang, sunud-sunod na miting sa mga BPO call centers tulad ng IBM, Sutherland, Automa­tic Data Processing at Coach and Luen Thai ang ginawa ni PNoy. Ito ang mga kasunduang magdadala ng libu-libong trabaho sa mga propes­yunal at kababayan nating ‘di makahanap ng trabaho.
At kahapon, naganap na rin ang pirmahan ng GRP-Millenium Challenge Corporation Compact na magpapasok ng higit sa dalawan­daang milyong dolyares sa ekonomiya ng Pilipinas.
Taas-noo at buong yabang din na sinalubong ng Filipino Community mula sa Tri-State (New York, Connecticut at New Jersey) si PNoy. Ang reception para sa Tropang PNoy ay ginawa ng ating mga kababayan sa Mason Hall ng Baruch Community College dito sa NY.
Bukas (Biyernes) ang “highlights” o “main event” sa Byaheng Tuwid ni PNoy dito sa NY -- ito’y makiki­pagkita sa Koreanong Pa­ngulo ng United Nations (Ban Ki Moon) sa North Lawn Building ng UN Headquarters, kasunod ang meeting sa Heads of States o katsokaran sa puwesto mula sa iba’t ibang dako ng mundo.
Magsasalita si PNoy sa harap ng UN General Assembly na kinabibilangan ng lahat ng Heads of State ng mga kasaping bansa. Dito ilalahad ni PNoy ang mga nasimulan nang pagbabago o pag-overhaul sa pamama­lakad ng pamahalaan at mga ginhawang idudulot nito, ‘di lang sa mga kababayan natin pati na rin sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ang Waldorf Astoria na nagkakahalaga ng US$ 2,500 ang kuwarto at paboritong hilikan ng dating nakaupo sa palasyo, ito’y mapapasyalan din sa wakas ni PNoy at masisilayan kung gaano “ka-expensive” ang tinirahan ng pinalitan sa puwesto. Mala­mang sa hindi, kapag nasa Astoria na si PNoy, mapapai­ling ang Pangulo sa pagkadismaya sa luho ng nakalipas na administrasyon kahit baon sa hirap ang marami nating mga kababayan.
Gaganapin sa Astoria ang 2nd ASEAN-US Leaders Meeting, ganap ala-una ng hapon at mangyayari na ang pakikipagkita ni US President Barack Obama kay PNoy.
Sa kabuuan, ang pagkain ng hotdog sa kanto ni PNoy at burger sa In-N-Out, ma­ging pagtira sa US$ 750 per night sa Sofitel Hotel (hindi US$7,500) animo’y nagbabalik-alala ang “barjer” ni ex-Comelec chairman Benjamin Abalos at maluhong pagtira sa Waldorf ng da­ting Pangulo na naispatan sa Penninsula -- ito’y dalawang simbolo ng malungkot na nakaraan ng bansang isinadsad sa lusak ng mga taong sa simula’y lubos na pinagkatiwalaan. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com

No comments: