Wednesday, December 8, 2010

December 8, 2010

Aksyon-PNoy sa OFWs!
Rey Marfil


Dalawa lamang kada sampung katao ang diskuntento sa performance ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, alinsunod sa Pulse Asia survey na may petsang Oktubre 20 hanggang 29 -- nangangahulugang walong Pilipino ang bilib sa diskarte nito. Kaya’t siguradong mainit ang ulo ng mga kritiko sa buong linggo, aba’y ‘wa epek’ ang pang-iintriga dito.
Sa kabuuang 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia, nakapagtala ng 79% approval rating si PNoy at ta­nging 3% ang diskuntento habang 18% ang nag-iisip kung anong grado ang ibibigay sa Pangulo -- ito’y maaari pang makumbinse, depende sa takbo ng panahon lalo pa’t tamang direksyon ang tinatahak ng administrasyon.
Kung susuriin ang 79% performance rating ni PNoy sa kauna-unahang survey ng Pulse Asia ngayong taon, halos walang pagbabago ang popularidad nito. At kung pagbabatayan ang 43% votes na nakuha sa nakaraang 2010 presidential elections at ikukumpara ang approval ra­ting, lumalabas pang dumami ang nagtitiwala sa Pangulo.
Hindi man aminin ng mga kritiko ni PNoy -- ito’y nagugulumihanan sa sitwasyon, aba’y kahit anong pang-iintriga sa love life ng Pangulo at akusahang “OJT” (on the job training) ang mga kinuhang katuwang sa pagpatakbo ng gobyerno, walang epekto -- isang patunay na mas gugustuhin ng publiko ang isang bagito kesa sa eksperto dahil siguradong bihasa rin sa pagnanakaw ito.
Ang pagiging transparent sa bawat aksyon at walang bahid ng katiwaliang pamumuno ang malaking rason kung bakit ‘very good’ ang grado ni PNoy sa loob ng limang buwang panunungkulan nito -- ilan lamang sa katangiang hindi nakita sa mga naunang naupo sa palasyo. Take note: Hindi lang ‘bagyo’ ang humagupit kay PNoy sa unang tatlong buwan -- ito’y kinuyog ng mga kalaban at ginawang ‘hurricane’ ang Quirino siege.
***
Napag-uusapan ang impresibong performance rating ni PNoy, na-impress din ang overseas Filipino workers (OFWs) sa awarding rites ng 2010 Model OFW Family -- ito’y naglaan ng P1 bilyong reintegration fund sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaya’t dumagundong ang palakpakan sa loob ng Sofitel Hotel.
Sa pamamagitan ng loan program, katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), makakapagsimulang magnegosyo ang isang OFW -- ito’y kukunin sa P1 bilyong reintegration fund at kakapirangot lamang ang interes na sisi­ngilin. Ang misyon ni PNoy -- mabawasan ang nangi­ngibang-bansa lalo pa’t hindi biro sa isang anak o magulang ang mawalay sa pamilya -- ito ang pinakamalungkot na eksenang nakikita sa labas ng paliparan.
Ang good news lamang, hindi nagtatapos sa pagpapautang ang inakong responsibilidad ni PNoy -- magsasagawa ng seminar ang gobyerno tungkol sa financial li­teracy at money management upang mailagay sa tamang negosyo ang puhunang hihiramin. Sa ganitong paraan, hindi magkakamot ng ulo ang isang OFW kahit walang kuto at balakubak lalo pa’t hindi eksperto sa pagnenegosyo ang karamihan.
Hindi lang iyan, magkakaroon ng karagdagang 54 help desks sa iba’t ibang lungsod at bayan upang pa­ngalagaan ang kapakanan ng mga OFW -- ito’y hiwalay sa naunang 554 help desks. Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: