Monday, December 13, 2010

Dec 12, 2010

Ang resbak ni PNoy! (last part)
Rey Marfil


Narito ang huling bahagi ng pahayag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino noong Disyembre 8, alas-7:00 ng gabi tungkol sa pagkontra ng Korte Suprema sa legalidad ng Truth Commission. Kayo ang humusga kung makatwiran ang sampung (10) mahistradong bumoto, pabor sa interes ni Mrs. Gloria Arroyo, naupo ng 9-taon:
Lilinawin ko po: Hindi nakatutok ang Truth Commission sa iisang tao lamang, kundi sa maraming iba’t ibang insidente. Kailangan po nating malaman -- hiwa-hiwalay bang kaso ito, o ito ang sistemang umiral sa loob ng siyam at kalahating taon? May mga kakuntsaba pa bang nasa puwesto ngayon, at may pagkakataon pang ipagpa­tuloy ang kanilang pamiminsala?
Di ba’t may pakinabang sa akusado ito na maaaring linisin ang kanilang pangalan? Kasabay nito ang pakinabang sa estado na para makasiguro tayong hindi magpapatuloy ang maling gawain, at magbayad ang may kasalanan.
Kapag napinsala ang mga Pilipino, hindi po ba kayo nababahala? Hindi po ba kasama ang inyong mga anak, apo at mga mahal sa buhay na makikinabang sa paglalatag natin ng maayos na sistema, kung saan mananagot ang mga nagkasala?
Sa lawak ng mga akusasyon, mahaba-habang panahon ang gugugulin sa paghahabol sa sanga-sangang pinaghihinalaang katiwalian, kung saan ito tumutungo o tuturo. Kung walang tututok dito, ginagarantiya natin ang patuloy na kapinsalaan sa taumbayan.
May pananagutan po tayo. Hahayaan ba nating maantala ang paghahatid ng katarungan sa taumbayan?
May mga tanong ang taumbayan na kailangang masagot. Totoo ba ang Hello Garci, kung saan sinabing nadaya ang eleksyon?
Paanong umusbong ang NBN-ZTE na pagkamahal-mahal na wala namang pakinabang ang bayan?
Saan ba napunta ang pondong pambili ng fertilizer? Ito pong fertilizer scam na ito, parang sine, may part one at part two, at napag-alaman nating may part three pa po na mas karumal-dumal.
Saan napunta ang pondong diumano’y nawaldas na dapat sana ay napunta sa mga nasalanta nina Ondoy at Pepeng?
Bukod pa po rito ang napakarami pang ibang midnight deals at midnight appointments. Baka nalimot na po ninyo, P981 milyong piso ang halaga ng isang midnight deal na dinaan sa mabilisang hokus-pokus. Noong ipina-rebid, naging P600 million na lang. Ito po bang mga deal na ganito ay talagang naging kalakaran lang noong nakaraang dekada?
Hindi po ba lehitimong mga tanong ito? Hindi ba kung hindi natin maisaayos ang sistema, ay ginagarantiya lang natin na mauulit at magpapatuloy ang maling kalakaran?
Tungkulin at obligasyon natin sa bawat Pilipino ang hanapin ang sagot sa mga tanong na ito, lalung-lalo na sa mga handang magsakripisyo at isiwalat ang buong katotohanan ukol sa katiwaliang naganap.
Nananawagan ako, sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa malinaw na panawagan ng taumbayan, huwag po sanang harangan ang aking tungkulin.
Gagawin ko ang lahat ng nararapat sa ilalim ng batas upang itigil ang pamiminsala sa taumbayan.
Huwag po kayong magduda, bago ang sarili ko, bago sino man, ang papanigan ko ay ang interes ng taumbayan. Habang nandito ako, hindi ako papayag na patuloy na apihin ang Pilipino.
-- Pangulong Benigno S. Aquino III
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: